NAIS nang umuwi sa Pilipinas ang 252 na mga Pilipino mula sa Myanmar ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ay dahil sa sitwasyon ng nasabing bansa matapos magkaroon ng coup ang mga militar.
Isinapinal na ng ahensiya ang repatriation flight ngayong Pebrero 15 at sa ngayon ay kinukumpirma pa ng Philippine Embassy sa Yangon ang mga Pilipinong nais nang umuwi.
Nangako naman si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na nakahanda ang DFA sa pagtulong sa mga Pilipinong nais nang umuwi ng bansa.
“Anyone wants to come home gets a free ride. But would be best if a whole plane full because…well…oh what the heck…come one, come some, come all, come on over, welcome home,” tweet ng kalihim.
Ayon sa DFA, marami sa mga Pilipino sa Myanmar ay nagtatrabaho sa manufacturing industry bilang mga supervisor at ang ilan ay nagtatrabaho rin sa United Nations at iba pang mga international organization.
Sa huling tala ng DFA nitong Hunyo 2020, aabot sa 1,273 ang bilang ng mga Pilipino sa Myanmar.
Mababatid na nagdeklara ng state of emergency ang Myanmar nakaraang linggo at inilipat ang pamamahala ng legislative, executive at judicial sa junta na nagbunsod ng malawakang demonstrasyon sa ilang bahagi ng bansa na nananawagang pakawalan ang lider na si Aung San Suu Kyi.