MULING pinaalalahanan ng Office of Civil Defense (OCD) na ang pagtama ng lindol ay unpredictable o maaaring mangyari nang walang babala, kaya’t pangunahing prayoridad ng ahensiya ang kahandaan para rito.
Sinabi ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na may tatlong pangunahing paraan o hakbang na ginagawa ang ahensiya upang mapanatili ang katatagan at kaligtasan ng komunidad sa harap ng lindol.
Kabilang dito ang pagtiyak na matibay ang mga gusali at imprastruktura sa pamamagitan ng mga engineering solution at mahigpit na pagpapatupad ng “No Build Zones” upang mabawasan ang panganib sa mga vulnerable area.
Pangalawa, pinapalakas ng OCD ang kahandaan ng mga komunidad sa pamamagitan ng mga nationwide drill at pag-organisa ng mga lokal na komunidad.
Pangatlo, pinapalakas din ang kakayahan ng mga ahensiya ng gobyerno na tumugon— katuwang ang pribadong sektor, mga international partner, at mga kaalyado—sa pagpapalawak ng mga rescue team at pagbili ng modernong kagamitan.
Pahayag pa ni Nepomuceno, ang pagtatayo ng isang matatag na komunidad ay isang kolektibong tungkulin, at sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas mapapababa ang pinsala at masisiguro ang kaligtasan ng lahat sa harap ng mga darating na lindol.