NAIS tumulong sa pagbuo ng mga programang makatutulong para sa mga mahihirap na Pilipino ang mahigit 30 bansa kasunod ng isinagawang International Police Commission Global Command Inter Governmental Organization (IPCGC IGO).
Pinangunahan ng Pilipinas ang pag-host sa naturang summit.
Ang nabanggit na IPCGC IGO ay binubuo ng 33-member countries sa buong mundo na naglalayong gumawa ng mga programa na may kinalaman sa pagtulong sa mga bansang may mataas na antas ng kahirapan.
Ayon kay Global Affairs Director, IPC LtGen. Christopher Michael Buenafe, magiging katuwang ang ibang bansa sa paglatag ng mga programa at mga plano na makatutulong sa mga mahihirap na Pilipino sa bansa.
“And we are more than willing to cooperate, collaborate with the government to extend kasi may mga finurmulate na sustainable livelihood and mga programs, these are plans that we will promote to the government so that we can work hand in hand for the success of this humanitarian projects para makatulong po kami sa society sa mahihirap na communities at lalo na sa Philippine government at ang ating continental commands, gusto din nilang tumulong,” pahayag ni IPC LtGen. Christopher Michael Buenafe, Global Affairs Director, IPCGC IGO.
Ang nasabing hakbang ng IPC GC IGO ay pinasimulan ni IPC Supreme Commanding General Robert Biazon na naglalayong mas palakasin ang kapayapaan at kaayusan, makatao, kooperasyon at proteksiyon ng buhay at ari-arian upang marating ang tugatog ng pagiging maunlad na bansa.
Dagdag pa ni Buenafe, nasimulan na anila ang kanilang mga humanitarian activities kagaya na lamang ng pagbibigay ng ayuda at pagresponde sa mga tinamaan ng kalamidad dito sa Pilipinas.
“Sa amin pong 33 command countries, ginagawa na po ‘yung humanitarian tulad po ‘yung sa relief during major calamities at siempre constantly sa mga poor communities, sabi ko nga po pati ang ating Korean command, tumutulong po, existing na po yan sa 33 command countries and continental commands,” ayon pa kay Buenafe.
Sa huli sinabi ni LtGen. Buenafe na malaking tulong ang ginawang Global Summit Conference dahil sa pamamagitan nito madadagdagan ang mga grupo at indibidwal na tutulong sa Pilipinas sa pagpatutupad ng mga programang makatutulong sa bawat komunidad dito sa bansa.