35 OFW na lumikas mula sa Afghanistan, nakauwi na sa bansa

35 OFW na lumikas mula sa Afghanistan, nakauwi na sa bansa

NAKAUWI na sa bansa ang nasa kabuuang 238 distressed Filipinos mula sa Doha, Qatar kasama na ang 35 OFW sa bilang na nailikas noong isang araw mula Afghanistan.

Ang mga naturang distressed Overseas Filipino Workers (OFW) mula Doha, Qatar ay sakay ng Philippine Airlines Flight 8685.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) may 66 na mga kababayan mula sa shelter ng Philippine Embassy ng Qatar ang kasali sana sa listahan ng mga napauwing OFW pero hindi nangyari yun dahil ang mga ito ay nagpositibo sa COVID-19.

Bukod sa libreng pagpapauwi sa 238 distressed Filipinos kasama na ang 35 OFW na galing Afghanistan ay tumanggap din ang mga naturang repatriates ng tig 200 USD o P10,000 para sa tulong pinansyal.

Pagdating sa paliparan ay agad dinala sa quarantine facility ang mga nasabing repatriates.

Samantala, kahapon ay inanunsiyo naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na welcome sa Pilipinas ang mga asylum seeker mula sa Afghanistan.

‘’So, welcome po ang mga asylum seekers dito sa Pilipinas noong panahon po nang natanggal ang Czar of Russia, tinanggap po natin sila. Noong panahon po ng pangalawang pandaigdigang digmaan, tinanggap po natin ang mga Hudyo sa ating bayan. Lahat po ng kinakailangan ng kalinga dahil sila po ay pini-persecute sa kanilang bayan, mayroon po kayong lugar dito sa Pilipinas,’’ayon kay Sec.Harry Roque.

SMNI NEWS