NAKATAKDANG dumating sa bansa ang 525,600 na AstraZeneca vaccine mula sa United Kingdom ayon sa anunsyo ng Malakanyang.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, tatanggapin ng bansa ang AstraZeneca vaccines sa pamamagitan ng Vaccines Global Access (COVAX) facility, isang pandaigdigang inisyatibo na makapaggarantiya ng access ng COVID-19 vaccines sa buong mundo.
“We are pleased to inform you that the Philippines will receive 525,600 doses of AstraZeneca vaccines on Monday, March 1, 2021, around noontime, as part of the first round of allocated doses from the COVAX facility,” ayon kay Roque.
Ang nasabing mga bakuna ay kabilang sa 44 milyong dosis na COVID-19 vaccine mula sa COVAX para mabakunahan ang 20% na populasyon ng bansa.
Pinasalamatan naman ni Roque ang World Health Organization (WHO), ang Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI), ang Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI) at ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) dahil sa pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa.
“We are grateful to everyone — from our medical front-liners to our fellow Filipinos and foreign partners — who stand by us in this challenging time. Together, we will heal and recover as one nation and one people,” ayon pa kay Roque.
Nakatakda namang matanggap ng bansa ang 44 milyong dosis ng bakuna ngayong taon na inilaan ng COVAX facility.
Darating sa bansa ang AstraZeneca vaccine isang araw matapos ang nakatakdang pagtanggap ng bansa ng COVID-19 vaccines mula sa China, ang Sinovac Biotech.
Pangunahan naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pag-turnover ng 600,000 dosis ng Sinovac vaccine ngayong Linggo.