NAARESTO ang 55-anyos na lalaki dahil sa pagnanakaw.
Bunga ito ng patuloy na ipinatutupad ng Quezon City Police District (QCPD) 24-hour anti-criminality campaign ng Cubao Police Station.
Ang suspek ay kinilalang si Justin Vilarmino, nakatira sa Zambales St. at inaresto ng Cubao Police Station (PS-7) sa ilalim ni PLtCol. Mark Janis Ballesteros ng San Martin de Porres, Cubao, Quezon City.
Batay sa ulat, habang pababa ng hagdanan ng MRT Cubao Station ang biktimang si Jonalyn Mance patungo sa Pinatubo St., Kanto P.A. Bernardino St., Cubao, Quezon City nang lapitan ng suspek ang biktima at sabay hinablot ang kaniyang cellphone.
Sa kabutihang palad, ang gawa ng suspek ay namataan ng mga nagpapatrolyang opisyal ng PS-7 na agad na rumesponde at naaresto.
Narekober sa suspek ang isang unit na Realme 6 mobile phone.
Sasampahan ng kasong theft ang suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.