$22-M na halaga ng investments, ibubuhos ng Indonesian investors sa Pilipinas

$22-M na halaga ng investments, ibubuhos ng Indonesian investors sa Pilipinas

MILYUN-milyong investment pledges ang na-secure ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. mula sa Indonesian investors.

Mabunga ang naging pag-uusap ng Indonesian investors at ni Pangulong Marcos sa sidelines ng 43rd ASEAN Summit sa Jakarta.

Tatlong malalaking kompanya ang nakipag-pulong sa Pangulo.

Una riyan ay ang kompanyang PT Vaksindo Satwa Nusantara na bihasa sa larangan ng veterinary vaccines.

Nasa $2-M na halaga ng investment ang ilalagak ng kompanya sa Pilipinas sa pakikipagtulungan sa UNAHCO Inc. Philippines.

Inaasahan ang malaking tulong nito sa laban ng pamahalaan kontra bird flu.

Sunod na nakausap ng Pangulo ang PT WIR Asia Tbk— isang Metaverse firm na bihasa sa Augmented at Virtual-reality at Artificial Intelligence (AI).

Maglalagak umano ang kompanya ng $20-M na halaga ng investment sa Pilipinas.

Tutulong din umano ang kompanya sa mga maliliit na negosyante ng bansa.

Nakipag-pulong din sa Pangulo ang Pasifik Satelit Nusantara (PSN).

Balak umano ng kompanya na tumulong sa pagpapabuti ng digital connectivity sa Pilipinas.

Katunayan, magtatayo ng satellite ang nasabing kompanya sa bansa.

Oras na matapos, nasa 13.5 gbps (Gigabyte per second) na internet bandwith ang kaya nilang i-provide sa pamahalaan at sa consumer market ng Pilipinas.

Disyembre ngayong taon ang balak ng kompanya na i-launch ang kanilang satellite.

Sa kabuuan, nasa $22-M na halaga ng investments ang ibubuhos ng Indonesian investors batay sa mga meeting ng Pangulo.

Samantala, naging mabunga rin ang meeting ng Philippine at Indonesian business sector nang magpulong ang mga ito sa ASEAN Business Advisory Council.

Dito, napagtibay ang ugnayan ng dalawang bansa sa larangaan ng rice research, agri-technology, food security, government entities at mga solusyon sa climate change.

“With strong partnerships, I see many opportunities for ASEAN partner countries and the Philippines to further strengthen our ties in trade and investment,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

“So depending on the country where their strength is that is where we’re asking help.”

“That’s where you see the real purpose of ASEAN. And that is greater collaboration on all areas,” wika ni Joey Concepcion, Chairman, ASEAN BAC Philippines.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na magpapatuloy ang pagbida niya sa Pilipinas bilang number 1 investment destination sa buong mundo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter