IPINAGDIRIWANG ngayong araw ang ika-58 taong National Day ng bansang Singapore.
Happy Birthday Singapore!
Ito ang bukambibig ng mga lokal at mga banyagang turista sa Singapore ngayong araw.
Tanghali pa lang ay marami nang mga turista sa bahagi ng Marina Bay.
Ang inaantabayanan kasi nila ang military flypast, kung saan makikita ang mga eroplano ng Singaporean Air Force na lumilipad sa mga formation sa kalangitan, at ang engrandeng fireworks display.
Ilan lang ito sa marami pang mga ganap sa ika-58 taong National Day Parade (NDP) ng Singapore, araw ng Miyerkules.
Kabilang sa mga nakaantabay rin sa mga ganap ay ang ating mga kababayang Pilipino.
Ang mga turistang galing United Kingdom ay excited na sa kanilang pagsaksi sa mga magiging ganap sa NDP ng Singapore.
Ang National Day ay isa sa mga pinakamahalagang araw sa Singapore.
Ito ay panahon kung saan nagbabalik-tanaw ang Singapore sa mga nagsakripisyo noon at ang pagtanaw sa hinaharap.
Idinaraos nila ito tuwing Agosto 9 upang ipagdiwang ang pagkamit ng kalayaan ng Singapore mula sa Malaysia noong 1965.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Onward as One” na nananawagan sa mga Singaporean na magkaroon ng positibong pananaw sa hinaharap at sama-samang itaguyod ang pinagkaisang layunin.
Sentro ng selebrasyon ay ang kanilang NDP.
Sa unang bahagi ng NDP ay ang pre-parade kung saan may mga parachuter na tinatawag na red lion ang magfi-free fall sa mula sa C-130 transport aircraft.
Sunod na segment ng NDP ay ang kanilang parade and ceremony.
Dito ay nagparada mga sundalo at pulis ng Singapore.
Mayroon ding military aerial display na isa sa mga inaabangang aktibidad tuwing NDP.
Pagkatapos nito ay ang pag-showcase sa mga land at sea military assets ng Singapore.
Tinapos naman ang event sa pamamagitan ng engrandeng fireworks display sa Marina Bay at sabayan ding isinasagawa sa lima iba pang lugar sa Singapore.