NAGSAGAWA ng ‘Operation Tuli’ ang isang media man sa Sta. Cruz, Porac Pampanga.
Sa panayam ng SMNI News North Central Luzon kay Jim Hipolito, isang media man, sinabi nito na sinamantala nila ang bakasyon ng mga bata mula sa eskuwelahan upang magsagawa ng libreng tuli sa kanilang barangay kasama na rin ang libreng gamot para sa mga ito.
“Ito po ‘yung ating ‘Libreng Operation Tuli’ para sa mga kabataan ng Barangay Sta. Cruz Porac, Pampanga habang sila po ay nasa vacation ay nag take advantage po tayo para maipatuloy itong mga bata dahil alam naman po natin na napakamahal ng magpatuli ngayon kung kaya’t ang inyong lingkod ay nagsagawa po ng ganitong klaseng mga proyekto. Kasama rin po dito sa proyekto ‘yung libreng gamot para sa mga bata,” ayon kay Jim Hipolito, Media Man.
Aabot sa 100 ang nagpatuling mga bata sa kanilang barangay kabilang ang unang batch na nasa edad walo hanggang labintatlong taong gulang na mga matatapang na nagpatuli.
Nagpasalamat naman ang isang nanay ng isa sa mga bata na kabilang sa libreng pagpapatuli.
Bukod pa rito ay namahagi ng mga bolang pang basketball at pang-volley ball ang media man para sa kaniyang adbokasiya sa larangan ng sports.
Tulad nga ng kaniyang panawagan, “Maadik ka na sa bola, huwag lang sa droga”
Isang kabataan din mula sa nasabing barangay ang nanghikayat sa kaniyang kapwa kabataan na makilahok sa sports.
“Maglaro lang po nang maglaro, huwag magbisyo para iwas sa sakit,” wika ni Chaps Seranco, Kabataan, Barangay Sta. Cruz, Porac, Pampanga.
“Huwag po maadik sa droga, maadik ka po sa bola,” ani Hipolito.
Dagdag pa nito, patuloy ang mga nasabing proyekto para sa kanilang mga kababayan lalong lalo na sa sports.
Sa huli, sinabi ni Hipolito na sana ay maging inspirasyon ang kanilang ginagawa sa kanilang mga taga barangay.
“Sana po ay maging inspirasyon itong ang aming mga kabarangay sa pagpapatupad po ng mga ganitong mga klaseng programa lalo na sa komunidad itong ating mga programa sa edukasyon, etong ating mga programa sa sports, at kalusugan,” ayon pa kay Hipolito.
“Umpisahan po natin sa ating mga barangay ang pagpapatupad ng ganitong klaseng programa na makakabuti po sa ating mga taga barangay,” aniya.
