6 taon na pagsasara ng Meralco Avenue sa Pasig City, titiisin ng commuters

6 taon na pagsasara ng Meralco Avenue sa Pasig City, titiisin ng commuters

HANDANG tiisin ng ilang motorista at commuters ang anim na taong pagsasara ng Meralco Avenue sa Pasig City.

Sa pagsisimula ng anim na taong konstruksyon ng Metro Manila Subway Project ng gobyerno na tatagal hanggang 2028, ang bahagi ng Meralco Avenue sa harap ng Estancia Mall ay sarado na.

Apektado ang mga komyuter lalo na ang mga nagtatrabaho sa Ortigas dahil hindi na dumadaan ang mga dyip sa naturang daan pero anila nakahanda sila na magtiis.

Ayon sa mga komyuter, kaginhawaan naman ang maidudulot sa oras na matapos ang Metro Manila Subway Project.

Base sa inilabas na abiso ng Department of Transportation (DOTr), pinayuhan ang mga motorista na dumaan sa traffic rerouting scheme na inilatag ng ahensiya.

Maaring dumaan ang mga tradisyonal na dyip na manggagaling sa Meralco Avenue patungo sa Shaw Boulevard sa Captain Henry Javier Street hanggang Danny Floro Street at vice versa.

Inaabisuhan naman ang mga modem jeepney na dumaan na muna  sa Dona Julia Vargas Avenue hanggang San Miguel Avenue at vice versa.

Para naman sa mga UV Express, maaring tahakin ang Doña Julia Vargas Avenue hanggang San Miguel Avenue o Anda Road papunta sa Camino Verde upang makarating sa Shaw Boulevard mula sa Meralco Avenue.

Maaari namang dumaan ang mga pribadong sasakyan sa lahat ng inilaan na ruta.

Follow SMNI NEWS in Twitter