INILAGAY na sa Red Alert Status ni Major General Alex S. Rillera, ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang antas ng seguridad na ipinapatupad ng mga kasundaluhan sa Central at South-Central Mindanao.
Kasabay ito ng send-off ceremony kaninang umaga Oktubre 27, 2023 sa tropa ng militar mula sa Division na magsisilbing dagdag-puwersa sa mga lugar na nasasakupan ng 601st Brigade, 603rd Brigade at 1st Mechanized Brigade, ilang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Napakahalaga para sa mga sundalo ang kaganapan na ito sa Bangsamoro Region dahil hindi lamang ang mga kapwa Pilipino ang nakatutok bagkus maging ang buong mundo.
Umaasa naman ang pamunuan ng militar na magiging matagumpay ang halalan dito sa Bangsamoro dahil ang tagumpay ng Bangsamoro ay tagumpay ng bansa.
Bago ang send-off ceremony ay nagkaroon muna ng Interfaith Thanksgiving service kasabay ng pagbabasbas sa ide-deploy na mga sundalo.