Monitoring laban sa mga makakaliwang kandidato sa BSKE, pinaigting sa ilang rehiyon sa Mindanao

Monitoring laban sa mga makakaliwang kandidato sa BSKE, pinaigting sa ilang rehiyon sa Mindanao

NAKA-ALERTO ngayon ang buong bansa sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa susunod na linggo.

Sa darating na Lunes, Oktubre 30, ay boboto ang lahat ng Pilipino sa halalang pambarangay at SK.

Mahigit 600,000 na puwesto ang pupunan ng mga bago at magbabalik na opisyal.

At malaking bilang diyan ay sa Mindanao.

Kaya ang Davao del Norte ngayon, todo ang pagbabantay sa paparating na eleksiyon.

Lalo na na hindi sila malusutan ng mga NPA o mga nagsisimpatya sa mga makakaliwa.

Saad ni Gov. Edwin Juhahib, sa filing pa lang ng kandidatura, nahaharang na agad ang mga makakaliwa na tumakbo sa eleksiyon.

“Personal naming binantayan na walang mga kandidato. Una pa lang, binabantayan na namin ang kanilang pagtakbo na walang mga kandidato mula sa kabilang panig. Kung may mga ulat mula sa aming intelligence section sa pulisya at hukbong sandatahan, tiyakin namin na hindi sila makakalusot. At hindi tayo papayag na dito sa probinsya ng Daveo del Norte, may mga impluwensya pa rin ng New People’s Army (NPA),’’ ayon kay Gov. Edwin Jubahib, Province of Davao del Norte.

Insurgency free na ngayon ang buong rehiyon ng Davao.

Dahil ‘yan sa NTF-ELCAC, ang government task force na binuo ng Duterte administration para wakasan ang problema ng insurhensiya sa bansa.

Kaya ang gains ng NTF-ELCAC, patuloy na babantayan ng mga taga Davao del Norte na hindi masayang.

Kaya ngayong BSKE, mariing ipinagbabawal ang pagtakbo ng mga left-leaning sa barangay.

‘‘At nakita ko sa mga panahon ngayon na declared as insurgency free province ang Davao del Norte, wala nang presensiya ng NPA. Nakita ko ang paglago ng ekonomiya, at kung gaano na katahimik at kapayapa ang nararanasan ng ating mga kababayan dito sa Davao del Norte. Wala nang nangyayaring giyera, wala nang ambush. Wala nang anumang karahasan na ginawa ang NPA dahil wala nang presensiya ng mga NPA dito,” ayon pa kay Gov. Jubahib.

Ganito kahigpit ngayon sa probinsya ng Davao Occidental.

Ayon kay dating Governor at kasalukuyang Davao Occidental Rep. Claude Bautista, sila ang unang idineklarang insurgency free sa lahat ng rehiyon ng Davao.

‘‘Kami ang unang naging insurgency free so noong unang nag-create ang ELCAC kami ang unang nabigyan ng projects. Oo kumpleto, street lights, water system, road networks, livelihood, kami ang unang nabigyan,’’ saad ni Rep. Claude Bautista, Davao Occidental Lone District.

At ngayong BSKE, matindi ang pagtitiyak nila sa Davao Occidental na hindi sila malulusutan ng mga makakaliwang aspirant.

‘‘So up to now, talagang mini-maintain ko talaga sila so, so far, among the barangays na considered namin noon na hotspot talaga sila na ngayon ang nagbabantay, hindi na ako ngayon namo-mroblema,’’ dagdag pa ni Rep. Bautista.

Follow SMNI NEWS on Twitter