780-K doses ng Pfizer vaccine, nakatakdang dumating ngayong araw sa bansa

780-K doses ng Pfizer vaccine, nakatakdang dumating ngayong araw sa bansa

NAKATAKDANG dumating ngayong araw sa bansa ang nasa kabuuang 780,000 doses ng Pfizer vaccine na binili ng pamahalaan.

Inaasahang lalapag pasado alas 9:00 mamayang gabi sa Terminal -3 ng Ninoy Aquino International Airport ang Air Hong Kong Flight LD 456 kung saan lulan dito ang nasa kabuuang 780,000 doses ng Pfizer vaccine.

Ang mga naturang vaccine ay gagamitin para sa pagbabakuna sa mga batang may edad 5 hanggang 11-taong gulang.

Matatandaan una nang inihayag ng National Task Force Against COVID-19 na sisimulan ang vaccination roll out sa naturang age group sa Pebrero 4 sa mga piling pilot site sa National Capital Region (NCR).

PILOT VACCINATION SITE

  • Philippine Heart Center
  • Philippine Children’s Medical Center
  • National Children’s Hospital
  • Manila Zoo
  • SM North Edsa (Skydome)
  • Fil Oil gym (San Juan City)

Una na ring sinabi ng Department of Health (DOH) na nitong Enero 2022, Pfizer pa lamang ang nabigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization para bakunang gagamitin sa mga batang 5-11.

Bagama’t parehong brand ng Pfizer, magkaiba naman ang timpla ng bakuna para sa edad lima hanggang labing isa taong gulang at edad labing dalawang taong gulang pataas.

Samantala, dumating na rin kagabi sa bansa ang nasa kabuuang 455,130 doses ng Pfizer vaccine na binili ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang mga naturang bakuna ay sakay ng Air Hong Kong Flight LD456 na lumapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport pasado alas 9:00 kagabi.

Nilinaw naman ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Medical Consultant Dr. Ma. Paz Corrales na ang mga dumating na bakuna ay hindi para sa mga bata kundi gagamitin ito sa mga matatanda na handang ipamahagi sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na nangangailangan ng bakuna.

Samantala, umabot na sa kabuuang 216,998,400 ng COVID-19 vaccine ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero 2021

Follow SMNI News on Twitter