86% ng mga PUV operators nakapagsumite na ng consolidation application—LTFRB

86% ng mga PUV operators nakapagsumite na ng consolidation application—LTFRB

INIHAYAG ni Atty. Ariel Inton, ang bagong tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na 86 percent ng mga may-ari ng Public Utility Vehicle (PUV) ang nakapagsumite na ng kanilang aplikasyon para sa consolidation, habang 43 percent naman ang nakatapos na ng proseso at naaprubahan na.

Dagdag pa ni Atty. Inton, ang 43 percent ay tumutukoy sa mga units na natapos na ang proseso at naaprubahan ng naturang ahensya. Hindi rin umano nangangahulugan na ang 43 percent lamang ang may pahintulot na bumiyahe.

“Once nakapaloob na po sa programa ng consolidation, ‘yung unit na ‘yon meron nang mga privileges, like for instance may consolidation na ‘yan, may provisional authority to fly the route with fuel subsidy,” saad ni Atty. Ariel Inton, Spokesperson, Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Nilinaw rin niya na walang kasinungalingan sa pahayag ng LTFRB hinggil sa usapin ng consolidation figures, taliwas sa aligasyon ng transport group na Manibela.

Ani Atty. Inton, nananatili pa rin ang kasalukuyang polisiya ng LTFRB maliban na lamang kung magkakaroon ng mga pagbabago upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon.

 “Sa ngayon ay ganoon parin ang polisiya unless there will be changes. Pero kung meron man changes, it will be not accommodate, para mapagbigyan lang ang mga nagtigil pasada kundi pang kalahatan baka may pwede pa tayong i-improve para bumilis ang mga application at ano pa ang mga kailangang gawin,” dagdag ni Inton.

Tiniyak din niya na tuloy ang implementasyon ng PUV Modernization Program sa ilalim ng pamamahala ni DOTR Sec. Vince Dizon.

Isa sa mga pinag-aaralan ngayon ng LTFRB ay ang pagbuo ng mas angkop na financial package upang matulungan ang iba pang operators na kayanin ang modernization program.

Sa huli, iginiit ni Atty. Inton na may mga hakbang na ring ginawa ang LTFRB upang pagaanin ang financial requirements ng programa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble