IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mas matibay na koordinasyon ng ilang piling ahensiya sa Private Sector Advisory Council (PSAC) para sa pagtugon sa iba pang isyu na kinakaharap ng job sector.
Kabilang sa mga ahensiyang ito ay ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa pagsasapinal ng Private Sector Job and Skills Corporation (PSJSC).
Ang kautusan ay kasunod ng naging pulong ni Pangulong Marcos sa PSAC job sector group sa Malacañang Palace nitong Mayo 18, 2023.
Ang jobs committee ay naglalahad ng mga rekomendasyon para mapabilis ang paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) development, deep-dive sa priority sectors at up-skilling public-private partnership (PPP).
Malugod na tinanggap ni Pangulong Marcos ang panukala ng PSAC na pagtatatag ng PSJSC na naglalayong hasain ang sektor ng manggagawa.
Layon din ng PSJSC na i-upgrade ang mga kasanayan ng mga manggagawang Pilipino, matugunan ang jobs at skills mismatch at lumikha ng mas maraming trabaho.
Nakapaloob dito ang pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, akademya base sa pamantayan sa iba’t ibang industriya, bilang tugon sa job mismatch, at kakulangan ng ilang skilled workers sa ibang sektor.
Ang paglikha ng PSJSC ay inendorso rin ng mga miyembro ng gabinete gaya nina Labor Sec. Bienvenido Laguesma, Sec. Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Sec. Alfredo Pascual ng Department of Trade and Industry (DTI).
Natuklasan ng kamakailang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na 40% ng mga Pilipinong nagtratrabaho ay may academic credentials na higit sa kinakailangan sa kanilang mga trabaho.