“SPOGOMI” ang earth-friendly sport sa mundo, binuksan sa Pilipinas

“SPOGOMI” ang earth-friendly sport sa mundo, binuksan sa Pilipinas

BINUKSAN na sa Pilipinas ang SPOGOMI na tinaguriang ‘Most Earth-Friendly Sport’, isang isport na naghihikayat na tumulong sa pagpulot ng basura at paglilinis ng kapaligiran.

Sa unang pagkakataon, idinaos ng SPOGOMI Philippines ang Most Earth-Friendly Litter-Picking Sport sa buong mundo na isinagawa sa Baseco Park, Manila noong Sabado.

Ang SPOGOMI ay isang ganap na bagong isport na nagmula sa Japan, na lumikha ng isang paraan upang tumulong sa paglilinis ng mga pampublikong lugar sa pamamagitan ng pagkuha ng mga basura.

Layunin ng sport na bawasan ang dami ng basurang dumadaloy sa karagatan at himukin ang maraming tao na tumutok sa problema ng mga basura maging sa tabing-dagat.

Sa kasalukuyan, isa sa problema ng bansa ang marine waste na lumalala hindi lamang sa Pilipinas pati na rin sa buong mundo.

Kaya naman ang naturang isport ay nailikha dahil dito.

Sa ilalim ng mga panuntunan ng World Cup, ang bawat grupo ay binubuo ng tatlong katao at may isang oras upang mangolekta ng mga basura sa isang itinalagang lugar tulad ng beach at mga kalye.

Ang mananalo sa qualifying tournament, na gaganapin sa humigit-kumulang 20 bansa, ay kakatawan sa bansa at makatatanggap ng tiket ng World Cup na nakatakdang isagawa  sa Tokyo, Japan sa Nobyembre 2023.

Samantala, ang National Coast Watch System (NCWS) ay nagpahayag ng suporta sa SPOGOMI Philippines.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter