UNAHIN ang interes ng Pilipino, ang mensahe ni Department of Defense (DND) Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ani Teodoro, higit na mapabubuti ang estado ng pamahalaan kung makikipagtulungan ang lahat tungo sa pagkakaisa at kaayusan para sa mga kahaharapin pang hamon ng bansa.
“Ang mensahe ngayong Araw ng Kalayaan, ay dalawa. Unang-una, ang Pilipinas ay para sa Pilipino, interes ng Pilipino ang dapat manguna. Sa kabila naman, sa ating mga kababayan, kailangan, aralin nang mabuti ang mga hamon na hinaharap ng ating bansa ngayon, magkaroon ng diskurso at dayalogo para magkaintindihan sa mga isyu na humaharap sa ating bansa. Para sa gano’n, makipag-ugnayan tayo bilang magkababayan, bilang magkakapitbahay, para sa ganoon, lumakas ang ating bansa,” ayon kay Sec. Gilbert Teodoro, DND.
Samantala, iginiit din ng kalihim na mabigyan ng tamang benepisyo at aruga ang mga beteranong sundalo na naging bahagi ng makasaysayang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop.
Sa ilalim aniya ng tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., lalong pag-iigihan ng tanggapan nito ang pagbibigay ng tamang benepisyo para sa mga beterano lalo na sa mga sundalong wala nang kakayanang buhayin at alagaan ang kanilang mga sarili.
“One of the essential tasks or jobs of the Secretary of National Defense is to ensure the welfare of our veterans. ‘Yan po ay patuloy na pinagbibilin ng ating Pangulo at sisikapin po natin na masigurado natin na they get the best of care, particularly those who cannot care for themselves,” dagdag ni Sec. Teodoro.
PNP, tiniyak ang pangmatagalang kapayapaan sa gitna ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa bansa
Hindi naman nagpahuli ng mensahe ang Philippine National Police (PNP) kasabay ng pangako na mapanatili ang pangkalahatang kapayapaan sa bansa.
Ayon sa pahayag ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr., hindi nito bibiguin ang publiko sa pagpatutupad ng batas.
“For our part in the Philippine National Police, the celebration of 125th year of Philippine independence is an opportune time to reaffirm our professional commitment to uphold law and order, and help our government achieve lasting peace and sustained progress. In recognition of the fruitful gains that we have established as a nation all those years under a regime of freedom, justice and peace, the PNP continues to be at the forefront of government efforts to make democracy work by ensuring that every Filipino can enjoy the blessings of our hard won independence, free of foreign control, and threats to peace and stability of our nation,” ayon kay PGen. Benjamin Acorda, Jr., Chief PNP.
Kalayaan mula sa kahirapan, sentro ng araw ng Kalayaan Job Fair 2023 sa Quezon City
Sa kabilang banda, naging matagumpay naman ang ilang aktibidad ng pamahalaan kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Sa Quezon City, isang job fair ang pinangunahan ni 5th District Councilor Alfred Vargas na layuning, palayain aniya ang mga kababayan mula sa kahirapan.
Ayon kay Vargas, kasali sa kaniyang adbokasiya bilang halal na opisyal na iangat ang kabuhayan ng kaniyang mga nasasakupan hanggang sa makabangon at lumago ang buhay ng mga residente.
Bukod sa mga local companies, nakilahok din ang ilang international industries para mag-alok ng oportunidad sa mga residente ng Quezon City.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), SM Supermalls at Quezon City government, gagawing regular ang nasabing job fair hanggang sa mabigyan ng trabaho ang mga nangangailangang indibidwal.
Payo ng opisyal, huwag kalimutang maging mapagpakumbaba sa lahat ng mga natatamong tagumpay sa anumang larangan.