OFW Party-list, nagpapasalamat sa mga tumulong sa 3 OFWs na nabigyan ng pardon sa UAE

OFW Party-list, nagpapasalamat sa mga tumulong sa 3 OFWs na nabigyan ng pardon sa UAE

PINURI at pinasasalamatan ni OFW Party-list ang lahat ng mga tumulong para mabigyan ng kapatawaran ang tatlong nahatulang overseas Filipino workers (OFWs) sa United Arab Emirates (UAE), kung saan dalawa sa kanila ay nakasalang na sa kamatayan.

Bukod pa dito, nagpahayag din ng taos pusong pasasalamat si OFW Party-list Representative Marissa Del Mar Magsino kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos umapela ang Punong Ehekutibo sa gobyerno ng UAE para mabigyan ng pardon ang mga naturang tatlong OFWs na nakasalang na sa parusang kamatayan.

“Higit sa lahat, aking ipinahahayag ang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa kaniyang apela para sa ating mga kababayang ito, na nagresulta sa kanilang pardon.”

“Matagal nang nangangamba ang mga kapamilya ng ating mga OFWs na nasa bingit, at ang masigasig na pakikipag-ugnayan ng ating presidente sa pamahalaan ng UAE ang bumuhay sa pag-asa nila, “ saad ni Representative Marissa Del Mar Magsino, OFW Party-list.

Dagdag pa ng kongresista, ang kaso na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagpupursige ng bansa na patuloy bantayan ang kapakanan ng mga Pilipinong nasa ‘death row’ sa mga bansang pinagtatrabahuhan nila.

Una na rin nagbigay ng pahayag ang mambabatas kaugnay sa nilalaman ng inihain na House Resolution 684 noong Enero 9, 2023 ng OFW Party-list, nagkaroon ng mga pagdinig ang Committee on Overseas Workers Affairs patungkol dito.

Kung saan ang kahalagahan ng pagsilip sa kalagayan ng mga OFWs na nahatulan ng capital offenses at ang mga nasa death row, kasama na rin aniya ang patuloy na pagbibigay ng legal assistance lalo na’t kung may pag-asang mabaliktad ang mga hatol sa mga Pilipino.

Ipinaliwanag din ni Magsino na hindi humihinto ang OFW Party-list Group sa pagkakaloob ng serbisyo para sa mga OFWs sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal services kabilang na ang pagbibigay ng assistance para sa mga Pilipinong nasentensiyahan ng parusang kamatayan.

Samantala patuloy na nakikipag-ugnayan  ang OFW Party-list sa Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs tungkol sa kanilang mga aksiyon sa mga OFW na kasalukuyang nasa  death row sa Malaysia, China, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Brunei Darussalam, Indonesia, at Japan.

Follow SMNI NEWS in Twitter