ISINUSULONG ngayong ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuo ng hiwalay na departamentong tututok sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Maraming dahilan kung bakit isinusulong ngayon ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang paglikha ng departamento ng Fisheries and Aquatic Resources.
Sa panayam ng SMNI News kay Rep. Salo, ibinahagi niya na malawak ang yamang tubig ng Pilipinas at maraming oportunidad kung ikukumpara sa iba subalit mas developed pa ang pangisdaan ng ibang bansa.
Ani Salo, mas mainam na ihiwalay ito mula sa Department of Agriculture (DA) para mabigyang pokus ang paglinang ng sektor na ito.
“Masyado nang malawak ‘yung kanilang sakop at hinahawakan. So, yung focus hiwa-hiwalay. So, ang sinasabi po natin dito ihihiwalay po natin sapagkat pangalan pa lang ng departamento mukhang hindi na sakop yung fisheries. Mag-create po tayo para mabigyan po natin ng tamang pokus, tamang atensyon at tamang resources,” pahayag ni Salo.
Ibinahagi naman ni Salo na suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Finance (DOF) ang paglikha ng Department of Fisheries and Aquatic Resources.
Samantala, kasama sa layunin ni Rep. Salo ang magiging self-sufficient at exporter ng mga isda ang bansa.
Dahil dito, posibleng umabot sa ilang trilyong piso ang magiging pakinabang ng bansa sa yamang-tubig.
Matutulungan din aniya ng naturang panukala ang mga pamilyang nakasalalay sa pangingisda dahil base sa pagsusuri, sila ang may mataas na poverty incidence sa bansa.
(BASAHIN: Industriya ng asin sa Ilocos Region, nabigyan ng P100-M alokasyon ng pamahalaan)