NAGTUGMA ang blood stain na nakuha sa kulay pulang Honda CR-V na pinagsakyan umano sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon sa kaniyang mga magulang.
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Fajardo, lumabas sa pagsusuri ng PNP Forensic Group na 99.9% na tugma ang DNA test na ginawa sa mga magulang ni Camilon.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Camilon na huling nakita na duguan at inililipat mula sa kaniyang sasakyan patungo sa CR-V.
Samantala, magkakaroon ng preliminary investigation sa kaso ni Camilon sa Disyembre 19, kung saan inaasahan ang paghahain ng counter-affidavit ng sinasabing karelasyon ng beauty queen na si Police Major Allan de Castro.