MAY opsiyon na ang mga taga-Metro Manila kung saan makabibili ng murang gulay.
Tinanghali na si Martin sa pagpitas ng mga repolyo para maipadala pababa ng bundok.
Ang kabuhayan nilang maggugulay sa Benguet, naka-depende sa presyuhan ng gulay sa merkado.
“Oo, may challenge talaga eh. Ngayon eh medyo, parang kumukulang pa sa ano… Kumukulang sa suporta ng pamilya…,” ayon kay Martin Bunoy, Benguet Vegetable Farmer.
Bukod sa mga repolyo, tinatanim din dito sa farm ang mga carrots, patatas, raddish at petchay Baguio. Lahat ng kanilang produce o ani ay direkta nilang binabagsak o binibenta sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Billy Cariño ng Benguet-Viscaya Trading Post, lahat ng mga gulay na nabanggit ay maaaring mabili sa Metro Manila sa murang halaga.
Kaya sila nagtayo ng trading post sa Taguig na nagsimulang mag-operate nito lamang buwan ng Disyembre.
“Konti ang farm noon outlet. Divisoria, Balintawak ang natutuhan natin. ‘Yun ang lahat ng alam ng taga-Metro Manila. Doon sila lahat bumibili. Pero ngayon na dumami ang farmer, dumami ang garden, doon pa rin kaya nasasakal ‘yung produkto na bumaba. Bumabagsak, na-oover supply. So ang kailangan, gumawa tayo ng outlet na isang trading post,” saad ni Billy Cariño, Chairman, Benguet-Viscaya Trading Post.
Mula sa Benguet, binababa ang mga gulay papunta sa trading post.
Dito mabibili sa mas murang halaga ang mga gulay mapa-retail man o wholesale.
“Oo, mas nakakatipid kesa sa doon sa palengke namin,” ayon sa isang lola.
24/7 ang operasyon ng trading post.
At kung ano ang presyo sa Benguet, ganoon din ang presyo ng mga gulay dito.
Literal na farm-to-market ang bilihan.
Tinitiyak ng mga namamahala sa trading post na kontrolado nila ang presyo ng mga gulay.
“Direkta kami eh. Direktang farmer. Walang middleman,” dagdag ni Cariño.
Ang Food Terminal Incorporated, siniguro ang tulong sa trading post.
Lalo na’t sa property ng FTI nakatayo ang bagong bilihan ng mga murang gulay.
“It’s just right and proper since FTI is committed to food security and food stability. ‘Yun lang po talaga ang aming mandato para sa ating mga marginalized fisherfolks and farmers po,” ani Atty. Lara Brusola, President and CEO, Food Terminal Inc.
Umaasa naman ang mga magsasaka sa Benguet sa tagumpay ng trading post.
Para hindi na masayang ang kanilang ani at makatulong sa pagpapakain sa mga taga-Metro Manila.
“Sana nga para lumawak pa ang trading natin. Para marami tayong susuplayan ng mga gulay,” ayon kay Martin Bunoy, Benguet Vegetable Farmer.
“Gusto namin ipaalam sa Metro Manila na may murang presyo na ng gulay dito sa trading post sa Taguig. Ang tawag dito Benguet-Vizcaya Trading Post sa Taguig,” dagdag pa ni Cariño.
Para sa mga interesado, bisitahin lamang ang trading post sa compound ng FTI Cold Storage Facility sa Taguig.