Planong pabahay sa mga informal settler sa Metro Manila, pinaplantsa ng gobyerno

Planong pabahay sa mga informal settler sa Metro Manila, pinaplantsa ng gobyerno

NAGPULONG ang Metro Manila Council (MMC), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) nitong araw ng Miyerkules Enero 10, 2024.

Idinetalye sa pagpupulong ang planong pabahay ng administrasyong Marcos para sa mga informal settler sa Metro Manila.

Sabi ng DHSUD na kasalukuyang itinatayo ang nasa 177,000 units sa 55 housing projects sa iba’t ibang lugar sa Kalakhang Maynila.

Habang itinatayo ang mga ito, pansamantalang ire-relocate ang mga informal settler family sa mga staging area ng gobyerno sa loob ng isa hanggang dalawang taon.

Ayon sa DHSUD, ang mga staging area ay malapit lang sa mga itinatayong housing units.

“Habang itinatayo ang building na iyon, hahanapan po natin sila ng paglilipatan na komportable kung saan hindi po sila madi-dislocate. Kasi po ang gusto natin ng atin pong social asset, social capital ng ating mga kababayan ay hindi po malusaw,” ayon kay Usec. Avelino Tolentino, DHSUD.

Kaugnay rito, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos, Jr. na malaki ang magiging papel ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para sa maayos na paglilipatan ng mga informal settler.

“Ang LGU ang magtuturo sa amin. Mayroon bang bakanteng lugar? Kung walang bakanteng lugar, baka naman ang national government mayroong bakanteng lugar. Magagamit natin. Kung wala ang national government, baka’ yung kalyeng patay puwede magamit,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr., DILG.

Suportado ng mga alkalde ng Metro Manila ang nasabing hakbang.

“Marami po tayong puwedeng options diyan. Unang-una, ‘yung mga government owned properties. Pangalawa, privately owned properties na itinaguriang idle land. Puwede po tayong magbigay ng incentive bilang LGU para dito muna itayo ang staging area,” ayon kay Mayor Francis Zamora, President, Metro Manila Council.

Pinawi naman ng DHSUD ang pangamba ng mga informal settler sa panahon na ilipat sila sa mga staging area ay hindi na nila makukuha ang ipinangakong pabahay ng gobyerno.

“Huwag kayong mag-alala. Kapag dumating po ang local government at iilipat kayo sa staging area, sigurado po kayo na kayo po ang makikinabang nito,” ayon kay Sec. Jerry Acuzar, DHSUD.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble