MULING itinalaga si Vice President Inday Sara Duterte na caretaker ng bansa habang nasa isang state visit si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Vietnam.
Ito ang kinumpirma ng Presidential Communication Office (PCO).
Umalis si Pangulong Marcos patungong Hanoi noong Lunes kasama si First Lady Liza Marcos.
Inihatid pa ito ni VP Sara bago sumakay sa PR001 o sa presidential plane.
Ang nasabing pagbisita sa Vietnam mula Enero 29-30, ay kasunod ng imbitasyon ni Vietnamese President Võ Văn Thưởng.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ng Pangulo sa Vietnam mula nang maupo siya noong 2022 at ito rin ang magiging unang outbound state visit para sa taong ito.
Kasama ng Pangulo ang mga pangunahing miyembro ng gabinete kabilang ang Secretary of Foreign Affairs at mga miyembro ng kaniyang economic team.
Makikipagpulong naman si Pangulong Marcos sa mga pinuno ng Vietnam.
Magkakaroon ng malalim na talakayan sa kooperasyon sa agrikultura ang dalawang bansa.
Kasama rin sa diskusyon ang may kinalaman sa maritime sector kung saan magkakaroon ng kasunduan kung paano magtutulungan ang coast guards ng Pilipinas at Vietnam.
Ang dalawang bansa ay may malalim din na kooperasyon sa iba’t ibang larangan kabilang ang depensa at seguridad at people-to-people relations.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa mga sektor ng negosyo para isulong ang ugnayang pangkalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Makikipagkita rin si Pangulong Marcos sa Filipino community.
Mababatid na mayroong humigit-kumulang 7,000 Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Vietnam.