Publiko, hinikayat ng PCO na lumipat sa digital TV mula sa analog

Publiko, hinikayat ng PCO na lumipat sa digital TV mula sa analog

ILALABAS ng Presidential Communications Office (PCO) ngayong taon ang libreng “Bagong Pilipinas” Digibox na inilaan para sa mga hindi kayang bumili ng bagong digital TV receivers.

Ito ayon kay PCO Secretary Cheloy Velicaria-Garafil, habang magta-transition aniya ang bansa mula sa analog broadcast patungo sa digital.

Ani Garafil, simula ngayong taon, magro-rollout ang PCO ng mga libreng Bagong Pilipinas Digibox.

Inanunsiyo ito ng PCO sa ginanap na kick-off rally para sa Bagong Pilipinas Campaign sa Quirino Grandstand nitong araw ng Linggo, Enero 28, 2024.

Pahayag pa ng PCO, magta-transition na ang Pilipinas ngayong taon mula sa analog tungo sa digital TV, at simula rin ngayong taon, hindi na makatatanggap ng mga TV signal ang mga gumagamit ng analog TV sa Metro Manila.

Sa tanong naman kung bakit kailangang lumipat mula sa analog patungo sa digital, sinabi ni Garafil na ang mga user ay maaaring mag-enjoy ng mga bagong feature.

Dagdag pa ng kalihim, mas mahusay na programming din ang hatid gamit ang digital TV at mayroon pang emergency at early warning features.

Ang PCO ay namahagi ng 1,000 Bagong Pilipinas digibox units nitong Linggo sa nasabing event sa Maynila.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble