Manila Zoo, doble-alaga sa mga hayop dahil sa tindi ng init ng panahon

Manila Zoo, doble-alaga sa mga hayop dahil sa tindi ng init ng panahon

KANIYA-kaniyang gimik na nga ng publiko, maibsan lang ang matinding init ng panahon.

Ang hapdi na dulot sa balat ng tirik na araw, ‘di na matiis ng karamihan kaya naman ang lansangan— puno na ng makukulay na payong.

‘Yung iba, ‘di na alintana kung anuman ang madampot nila dahil derecho na nila itong ipinapaypay sa sarili.

Pero alam mo ba, na kahit pala mga hayop, ay umiiwas din sa matinding sikat ng araw.

Sa Manila Zoo, naabutan natin bandang ala-una ng hapon ang ilang hayop tulad ng peacock, Philippine deers at ostrich at iba na nakasilong sa lilim na lugar.

Tulad ng mga tao, ang mga hayop mas gustong matulog o magpahinga sa lilim na lugar gaya na lamang ng ginagawa ni Koisk na isang tigre sa Manila Zoo.

“As we can notice and observed sa mga zoo animals natin na it’s a misconception na magwa-wild sila. They reserve their energy parang tao lang eh,” wika ni Dr. Dave Christopher Vinas, Veterinarian sa Manila Zoo.

Ayon kay Doc. Vinas, kapag sobrang init ng panahon, ay makikita si Koisk sa kaniyang swimming pool at nakalubog.

Maliban sa tao ay apektado rin ang mga hayop tuwing mainit ang panahon. Dito sa Manila Zoo, doble ang ginagawang pag-aalaga ng Manila LGU para hindi sila mainitan at magkasakit.

Ayon sa isa sa mga veterinarian ng Manila Zoo na si Doc. Dave Christopher Vinas, hindi puwede na buong araw nakabilad ang mga hayop.

Kaya mayroon ding time out o break ang mga ito.

Popsicle, pamawi ng init para sa mga hayop sa Manila Zoo

Ngayong mainit ang panahon, ang mga hayop na katulad ni Koisk kailangang pakainin o bigyan ng blood sickle para guminhawa ang pakiramdam nito.

Ang bloodsicle ay parang popsickle o ice drop na puno ng nutrients o sustansiya na magpapalamig sa kanila habang napapanatili rin silang malusog.

Kapag mainit aniya kasi ang panahon ay tamad silang gumalaw at kumain.

Maliban diyan, well ventilated at laging basa ang mga enclosure ng mga hayop.

Ayon sa vet, may mga instinct aniya ang mga hayop na kapag naiinitan ay kusa na itong lalapit sa tubig o pupunta sa lilim na lugar.

Ang capybara naman ay nakalubog sa tubig sa gitna ng init ng panahon.

Ang ibang hayop, naabutan naming umiinom ng tubig.

Ang lady tiger naman ay nagpapahinga habang nasa harap ng electric fan.

Nagpapahangin sa electric fan.

Ang mga pagong naabutan nating enjoy na enjoy sa tubig.

Ang mga tubig para sa reptiles kailangang well-maintained o kailangang palaging pinapalitan.

Sa mga igwana, kailangan din ng yelo ngayong matindi ang init ang panahon.

Kung may hayop sa zoo na hindi prone sa heat stroke, ay ang mga ahas.

Follow SMNI NEWS on Twitter