PABOR si Sen. Alan Peter Cayetano sa plano ng gobyerno na maglaan ng P1B para magtayo ng mga Child Development Center (CDC) sa mga lugar na kulang sa serbisyo.
Ayon sa senador, ito ay isang mahalagang hakbang para matugunan ang kakulangan sa Early Childhood Care and Development (ECCD) para sa mga batang Pilipino.
Ang proyekto ay pinagsamang inisyatibo ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd). Inaasahang makikinabang dito ang 328 LGU na wala pang maayos na ECCD program.
Binigyang-diin ni Cayetano na ang pamumuhunan sa unang yugto ng buhay ng isang bata ay may malaking epekto sa kanilang kinabukasan.
Binanggit niya ang sinabi ni Singapore President Tharman Shanmugaratnam tungkol sa kahalagahan ng unang dalawang taon ng isang bata:
“The highest return on investment is in maternal health and early childhood.”
“Whatever we do now, that is what we will see in 2035, 2045, and 2050,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, kung aayusin ngayon ang sistema ng edukasyon, mas lalaki ang posibilidad na magkaroon ang mga Pilipino ng mas magagandang trabaho sa hinaharap.
“If our dream is to see more Filipinos earning through jobs above minimum wage, or OFWs no longer forced to work as domestic workers in the Middle East but as engineers and architects, that will happen if we fix our education system now,” wika niya.
Batay sa pag-aaral, ang ECCD ay nakakatulong para mas gumaling ang mga bata sa pag-aaral at nagsisilbing daan para mas marami ang makapagtapos at makakuha ng mas magandang trabaho at kita sa hinaharap.
Pero sa kabila ng mga benepisyong ito, nananatiling kulang ang pondo para sa ECCD sa bansa.
Sa kasalukuyan, P3,870 lang kada bata ang inilaan ng gobyerno para sa mga health-related ECCD services—wala pang kalahati ng average budget ng mga lower-middle-income na bansa.
Malaki rin ang agwat sa pondo ng mga mayayaman at mahihirap na LGU. Ang first-class municipalities ay may Special Education Fund (SEF) na 68 beses na mas malaki kaysa sa sixth-class municipalities.
Sa ngayon, 21% lang ng mga batang edad 3 hanggang 4 ang naka-enroll sa early learning programs. Kulang na kulang din ang mga accredited Child Development Workers (CDWs) sa bansa — 6,788 lang sa halip na 240,000 na kailangan.
Ayon sa joint circular, kailangang mag-apply ang LGUs sa DepEd para sa pondo. Ang DepEd ang magsusuri at mag-eendorso ng aplikasyon sa DBM.
Kapag naaprubahan, kailangang maglaan ang LGU ng 150 square meters na lupa para sa CDC at sagutin ang gastos sa operasyon, kabilang na ang sweldo ng mga staff.
Ayon kay Cayetano, ang proyektong ito ay bahagi ng rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kung saan siya ang co-chair.
Kasama rin sa advisory council ng EDCOM II ang kanIyang asawa na si City of Taguig Mayor Lani Cayetano, na aktibong nagsusulong ng early education.
Kilala ang Lungsod ng Taguig sa mga award-winning na ECCD programs nito katulad ng libreng day care, nutrition program, at mga physical activity na nakakabuti sa kabuuang pag-unlad ng bata.
Hinimok din ng senador na gawing bahagi ng pambansang education strategy ang ECCD.
“We cannot continue treating early childhood education as an afterthought. If we want a better future for our children, it starts with how we nurture them in their earliest years,” sabi niya.