Mga vlogger na pinatawag sa Kongreso nakakuha ng suporta mula sa iba’t ibang sektor

Mga vlogger na pinatawag sa Kongreso nakakuha ng suporta mula sa iba’t ibang sektor

PATULOY na gumugulong sa Kongreso ang pagdinig ng Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information kaugnay sa umano’y pagpapalaganap ng fake news ng ilang political vloggers at commentators.

Sa nasabing hearing, ipinatawag ng House Tri-Committee ang ilang vloggers at content creators na isinailalim sa subpoena para sa pagdinig hinggil sa isyu ng fake news at disimpormasyon, nitong Martes, Abril 8, 2025.

Kasabay rito, nagsagawa rin ng kilos-protesta ang ilang taga-suporta ng mga ipinatawag na vloggers.

Ayon kay Placido Pilosopo, Secretary General ng Kilusang Pagbabago – Central Luzon, hindi sila naniniwala na malinis ang intensiyon ng mga mambabatas sa naturang imbestigasyon.

“Nandito po tayo ngayon para po magbigay suporta sa ating mga kababayan na vloggers na nandiyan po ngayon sa House of Congress, sila po ay ipinatawag ng tricom diumano para po sa pagbabalangkas ng bagong batas pero naniniwala po tayo na hindi po ‘yon ang tunay na layunin at ‘yun na intensyon na patawag na ‘yan ng tricom,” ayon kay Placido Pilosopo, Sec. Gen. Kilusang Pagbabago, Central Luzon.

Iginiit ng kanilang grupo na hindi dapat sinisikil ng mga mambabatas ang malayang pamamahayag na malinaw namang ginagarantiyahan ng batas.

“Nandito tayo ngayong araw para ipakita sa mga kongresista na ito na dapat po hindi nila pinapatay ang ating malayang pamamahayag sapagkat ‘yan po ay ginagarantiya malinaw po na nakasaad sa article 3 section 4 ang malayang pamamahayag,” ani Pilosopo.

Para naman sa political vlogger na si Dhan Chan, malinaw na tinatarget aniya ang malayang pamamahayag, lalo na’t tanging ang mga vlogger na sumusuporta sa Duterte ang ipinatawag sa pagdinig.

“Nakita naman natin na tanging ang mga DDS vlogger ang nagsasabi ng katotohanan naglalabas ng katotohanan kaya ang panggigipit po na ginagawa sa DDS vlogger,” saad ni Dhan Chan, Political Vlogger.

Maliban dito, dumalo rin sa rally ang ilang grupo mula sa Muslim community.

Ayon kay Zaira Ampuan, kinatawan ng Muslim sector, dumalo sila sa rally bilang protesta sa ilang hakbang ng administrasyon na hindi umano dumaan sa tamang proseso.

“Number one na po diyan ‘yung pinalitan ang liderato ng BARMM na hindi dumaan sa tamang proseso dahil sa pagkakaalam ko sa panahon pa po ni Noynoy Aquino meton pong batas na alinsunod sa tuwing pagpapalit ng liderato ng Bangsamoro,” wika ni wika ni Zaira Ampuan, Muslim Sector.

Iba’t ibang sektor ng lipunan, muling nananawagan na bumaba na sa puwesto si BBM

Sina Placido, Dhan Chan, at Zaira ay mula sa iba’t ibang grupo at rehiyon, ngunit iisa ang kanilang sigaw—dapat nang bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“So kung ito ay magpapatuloy hindi tayo magtataka na sa mga darating pa na mga araw sa mga darating pa na sandali ay talagang lalabas na po ang taong bayan kasi gusto na hong wakasan ang gobyernong ito gusto na ho nating bawian ng mandato,” ani Pilosopo.

“Kung ganun ho na nakikita natin utang dito utang doon wala tayong nakikitang proyekto, gulo rito gulo doon napipinto pa itong proxy war, tayo po ay ipapasubo ng presidente natin ay kinakailangan na mag resign na ho siya,” dagdag ni Chan.

“Isa pa sa dahilan kung kaya tayo nandito para manawagan sa taong bayan na gusto ko at gusto nating lahat na bumaba na si BBM dahil hindi na nya kayang pamunuan ang ating bansa, lumala ang kriminalidad, lumala ang droga sa ating bansa,” saad ni Zaira Ampuan, Muslim Sector.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble