Mga opisyal ng isang kilalang cosmetics company posibleng makulong ng 10 taon dahil sa paggamit ng pekeng resibo

Mga opisyal ng isang kilalang cosmetics company posibleng makulong ng 10 taon dahil sa paggamit ng pekeng resibo

NAGSAMPA ng apat na kasong kriminal ang Department of Justice (DOJ) sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 33 laban sa Ever Bilena Cosmetics, Inc., isang kilalang cosmetics company, kasama ang mga responsable nitong mga corporate officer.

Ayon kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr., ang mga kaso ay may kaugnayan sa tax evasion o pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis at kabiguang magsumite ng tama at wastong impormasyon sa kanilang mga tax return.

Ang reklamong ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng BIR sa ilalim ng Run After Fake Transaction (RAFT) Program na layong tugisin ang mga negosyong gumagamit ng pekeng resibo o transaksiyon upang makaiwas sa buwis.

“Kinatigan tayo ng Department of Justice sa reklamo nating tax evasion. Kamakailan ay nag-file na sila sa korte ng kasong criminal,” pahayag ni Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, Bureau of Internal Revenue.

Dagdag pa ni Lumagui, ang parusang posibleng kakaharapin ng mga may-ari at mga opisyales ng nasabing kompanya ay pagkakakulong ng hanggang 10 taon.

Ipinahayag ng opisyal na tuloy-tuloy ang ginagawang paghahabol ng BIR laban sa mga gumagamit ng mga pekeng resibo.

Patuloy rin ang imbestigasyon ng mga nabanggit na ahensiya upang mapanagot ang mga kompanyang lumalabag sa batas ukol sa buwis.

“Kaya nga ‘yung aming tinayong Run After Fake Transaction ay patuloy umuusad. Marami nang nakasuhan at lahat, so far, ng mga kasong naisampa namin sa Department of Justice ay kinatigan din tayo,” ani Lumagui.

Kaugnay rito, pinaigting ng BIR ang kanilang data analytics habang sinisigurado na lahat ng tax payers ay makagsumite ng Summary Listing of Sales and Purchases (SLSP).

Samantala, may ilan pang paalala na ipinaabot ang ahensiya sa lahat ng taxpayers.

“Dapat na-convert na lahat ng official receipts to invoice. Dapat last year pa ‘yan. Kaya paalala rin natin sa lahat ng taxpayers na dapat invoice na ang ginagamit kasi noong January o February, noong nag-iikot tayo ay may nakita pa tayong hindi pa na-convert. So kina­kailangan ma-convert po ‘yan,” aniya.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon at operasyon ng BIR upang matiyak na ang lahat ng negosyo ay sumusunod sa tamang proseso ng pagbabayad ng buwis. Pinipilit nilang matugunan ang mga pekeng transaksiyon at iwas-buwis upang mapanatili ang integridad ng buwis sa bansa.

Inaasahan ng BIR na magsisilbing babala ang kasong ito sa iba pang mga negosyo upang maiwasan ang anumang uri ng paglabag sa mga patakaran ng gobyerno.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble