HINDI ipinapadaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Non-government Organizations (NGO) ang pamamahagi ng food packs at relief goods.
Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, direkta silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at hindi sa mga NGO.
Ito ang binigyang-diin ni Tulfo matapos napaulat na nakita ang logo ng ahensya sa mga larawan ng relief operations ng Angat Buhay NGO ni dating Vice-president Leni Robredo.
Paliwanag naman ni Tulfo na posibleng pinagsama ng lokal na pamahalaan ang donasyon ng Angat Buhay at DSWD sa iisang warehouse bago kinuhaan ng litrato.
Ang huling pamamahagi ng DSWD ng relief goods ay sa Banaue, Ifugao.