BFAR, namahagi ng fishing equipment sa Bataan

BFAR, namahagi ng fishing equipment sa Bataan

KAMAKAILAN lang ay namahagi ng fishing equipment ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Central Luzon (BFAR-3) sa mga mangingisda sa Bataan.

Ayon kay BFAR-3 Regional Director Wilfredo Cruz, layunin ng pamamahagi ng payao sa mga mangingisda ay upang maitaguyod ang pangkabuhayan sa sektor ng pangingisda.

Ani Cruz, apat na grupo ng mga mangingisda sa bayan ng Bagac at Morong ang nakatanggap ng 5 units ng payao na makatutulong sa kanila na makahuli ng mas maraming isda.

“Sa pamamagitan ng mga ipinamahaging payao, mas magiging madali para sa mga mangingisda na makapag-akit ng mas malaki at mas maraming huli sa kalagitnaan ng dagat,” pahayag ni Cruz.

Ang payao ay gawa ng malalaking drum na nakatali sa isang sementadong angkla habang nakalutang sa dagat. Meron itong palapa ng niyog na kinakapitan ng lumot na siyang pagkain ng isda.

Inaakit nito ang mga maliliit at malalaking isda upang magbigay ng maraming huli.

Ayon kay Cruz, nakatutulong ang payao upang hindi na pumalaot pa ang mga mangingisda sa malayong karagatan na mapanganib sa kanilang buhay.

Maliban sa payao, nakatanggap din ang 90 na mga mangingisda ng lambat, solar lamps, at iba pang kagamitan.

Follow SMNI News on Twitter