Bangkay ng mga bilanggo sa NBP na halos isang taon na sa punerarya, inilibing na

Bangkay ng mga bilanggo sa NBP na halos isang taon na sa punerarya, inilibing na

INABOT lamang ng isang oras ang ginawang paglilibing sa mga persons deprived of liberty (PDLs) na namatay noong January hanggang October habang nakakulong sa New Bilibid Prisons (NBP).

Batay sa impormasyon na ibinahagi ng Bureau of Corrections ay 60 mga bangkay ang inililibing kanina sa NBP Cemetery.

Magugunitang 176 na bangkay ng mga preso ang nadiskubreng halos isang taon nang nakalagak sa Eastern Funeral Services, na accredited na punerarya ng BuCor.

Nauna diyan ay kinumpirma ni forensic pathologist Dra. Raquel Fortun na karamihan sa mga bangkay ay natutuyot na kaya iilan na lang ang sumailalim sa otopsiya habang ang 60 ay inilibing kanina.

Hiniling kasi ng Department of Justice kay Dra. Fortun na suriin ang ikinamatay ng mga PDL at tukuyin kung ilan ang maaari pang maotopsiya o mailibing na.

Samantala iginiit ng BuCor na matagal na nilang inabisuhan ang pamilya ng mga namatay na mga inmates pero posible umanong natagalan ang iba sa pagkuha ng bangkay dahil sa malayo nakatira at naabutan pa ng mga restrictions dahil sa pandemic na dulot ng COVID-19.

Follow SMNI NEWS in Twitter