HINDI na napigilan ng British baladeer na si Adele na magsalita at manawagan sa mga audience o fans sa Las Vegas na ihinto na ang pambabato sa mga nagpe-perform na artists.
Ito ay dahil sa sunod-sunod na insidente kung saan tila naging trend ang pambabato ng mga manonood sa mga performer.
Halimbawa na lamang sina Bebe Rexha na nasugatan sa mata matapos batuhin ng cellphone habang nagpeperform sa New York; si Kelsea Ballerini na tinamaan naman ng bracelet sa mata nang batuhin ng fan sa Idaho, at ang American singer-songwriter na si Pink matapos batuhin ng isang concert-goer ng abo ng yumaong ina nito.
Suportado naman ng iba pang Hollywood singers tulad ni Charlie Puth ang panawagan ni Adele na ayon pa dito ay dapat matigil na dahil isa itong kawalan ng respeto at napaka-delikado.