SA susunod na buwan na gaganapin ang taunang Balikatan Exercise ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ngayong taon kasama ng Pilipinas sa pagsasanay ang bansang Amerika at ilang observers mula sa kaalyadong bansa.
Ang nasabing exercise ay inaasahan na lalahukan ng nasa mahigit 16,000 na personnel na kinabibilangan ng 11,000 mula sa US at 5,000 naman mula sa AFP.
Layunin ng Balikatan na maipakita ang kakayahan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa nasasakupan nito at upang ipakita na mas tumatag pa ang relasyon ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, inihayag ni Col. Michael Logico, executive agent ng Balikatan na idaraos ang nasabing aktibidad sa mga lugar ng Rizal Palawan, San Fernando La Union.
Habang ang Maritime Sinking Exercise naman ay gaganapin sa coastal area ng Laoag sa Ilocos Norte.
“It will be in Ilocos Norte particularly off the coast of Laoag,” saad ni Col. Michael Logico, Exec. Agent. Balikatan, AFP.
Ilang pagsasanay para sa Balikatan Exercise gagawin sa labas ng territorial waters ng Pilipinas
Sa kauna-unahang pagkakataon susubukan ng AFP na gawin ang ilang aktibidad sa mahigit o lampas pa sa 12 nautical mile limitation kung saan lalampas na ito sa territorial waters ng Pilipinas.
“They will be moving from point A to point B, we will be utilizing the western side of Palawan extending beyond our 12 nautical miles so this is also a new thing that we will do, we’ve done group sails before but this time going beyond 12 nautical mile limitation,” dagdag ni Logico.
Para kay Logico, wala silang dapat ipangamba sakali mang may makasalubong silang Chinese vessel sa lugar ng Balikatan.
Ito’y kahit pa gaganapin ang Balikatan sa lugar na itinuturing na international waters.
“All countries big or small has the right to defend itself, this right is absolute … we are not deterred by other countries think about what we are doing,” aniya.
Ayon naman kay Philippine Navy Commodore Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng West Philippine Sea, ang mga Pilipino ang may karapatan sa WPS at mandato nila na protektahan ang sakop at pag-aari ng Pilipinas.
“We don’t care about China’s behavior, the AFP and the Navy is concerned our mandate to be able to protect the integrity of national territory our sovereignty and the Filipino people,” wika ni Comm. Roy Vincent Trinidad, Spokesperson WPS, PN.
Dagdag naman ni Logico, layon ng Balikatan na ipamalas kung ano ang kakayahan ng Pilipinas pagdating sa pagtatanggol sa nasasakupan nito.
“Balikatan Exercise is a demonstration of our combat readiness the entire intent here is to deter and if we cannot deter, we will defend and when we defend the objective is to win,” aniya pa.