KINUWESTYON ng isang grupo ng magsasaka ang paglalabas ng pahayag ng Department of Agriculture (DA) sa posibleng pag-aangkat ng gulay at karagdagang isda.
Dismayado ang Federation of Free Farmers (FFF) matapos malaman ang planong posibleng pag-aangkat na naman ng Agriculture Department.
Ito ay matapos ipaalam ng ahensya noong nakaraang linggo ang posibleng importasyon ng gulay dahil sa matinding epekto raw ng sunod-sunod na bagyo sa mga pananim na gulay.
Gayundin ang pag-aangkat ng karagdagang 8,000 metriko tonelada ng isda.
Binatikos ito ng dating kalihim ng DA at ngayo’y Chairman ng FFF na si Leonardo Montemayor dahil hindi raw transparent ang ahensya sa kanilang ginagawang hakbang lalo na para sa sektor.
‘’Nagulat ako kasi as far as alam ko wala talaga, hindi kami nasangguni tungkol diyan sa importasyon plan kaugnay sa isda at gulay. Sana man lamang ay nagtanong ang DA sa amin bago magpalabas ng ganong klaseng announcement. Kasi posibleng maapektuhan ‘yung presyo ng mga nasabing produkto,’’ ayon kay Leonardo Montemayor Chairman, FFF.
Punto ni Montemayor, mahalaga raw sa isang ahensya ng gobyerno na transparent ito.
Nakapagtataka lang aniya na bakit kailangang mag-angkat ng gulay na maraming rehiyon das ang pu-puwedeng pagkuhanan.
‘’Dapat kasi malaman muna kung ano ang actual na sitwasyon kaugnay sa suplay ng gulay hindi lang puwede sabihin na dahil sa bagyo ay kulang na ang suplay natin ng gulay kaya dapat umangkat. Alamin muna natin ang actual ang estimate ng damage,’’ saad nito.
Pero, paliwanag ng Department of Agriculture ay hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa rin naman daw nila ang pag-aangkat ng isda at gulay.
Hakbang lang daw ito ng ahensya upang tugunan ang posibleng kakulangan ng suplay dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng bagyo na maaaring makaapekto sa presyo.
Sa ngayon ay kasi ay hinihintay nila ang magiging rekomendasyon ng Bureau of Plant Industry (BPI) kung kinakailangan ba talaga ang pag-aangkat ng gulay.
‘’Kung titingnan natin ang market ngayon (jump) talagang lowland vegetables (jump) medyo mahal talaga. Kamatis, ampalaya last month nasa P120/kg ngayon P180/kg to P200/kg,’’ ayon kay Asec. Arnel De Mesa Spokesperson, DA.
Tinitingnan naman din ng DA ang posibilidad kung may mga nananamantala ba sa presyuhan at suplay ng gulay sa merkado.
Pero, sa ngayon hinihikayat ng ahensya ang publiko na humanap ng alternatibong mapagbibilhan ng produktong agrikultural gaya na lamang ng mga Kadiwa center.