KAISA ang Kagawaran ng Edukasyon ng buong bansa sa pagkilala at pagtataguyod ng iba’t ibang uri ng panitikan sa bansa, lalo na sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pambansa ngayong taon.
May temang “Ang Panitikan at Kapayapaan,” layunin ng pagdiriwang ngayong taon na magbigay-daan sa malayang pagtalakay kung ano ang mga kahalagahan at kontribusyon ng panitikan sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kapayapaan sa bansa at sa mga komunidad.
Sa pamamagitan nito, lalong mapagyayaman ang diskurso sa konsepto ng kapayapaan at maipararating sa mamamayang Pilipino ang papel ng panitikan sa lipunan.
Pinangungunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang paggunita sa Buwan ng Panitikang Pambansa o National Literature Month ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 968, s. 2015.