Atom at Carol Araullo, sinampahan ng P2.5-M counter charges ni ”Ka Eric” Celiz

Atom at Carol Araullo, sinampahan ng P2.5-M counter charges ni ”Ka Eric” Celiz

MARTES ng umaga nang tumungo ang dating kadre at communist terrorist group (CTG) ng CPP-NPA-NDF na si Jeffrey ‘’Ka Eric’’ Celiz sa Quezon City Regional Trial Court kasama ang kaniyang abogado na si Atty. Mark Tolentino.

Nagsampa ng P2.5-M na counter charges o kontra demanda si Celiz laban sa mag-inang Carol at Atom Araullo.

Ito ay kasunod ng paghain ni Atom ng ₱2-M civil complaint laban kina Celiz at Dr. Lorraine Badoy dahil umano sa “red-tagging” sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

‘‘Nag-file sila ng kaso against kay Ka Eric for damages, P2-M damages under Article 19, 20, 21 of the Civil Code of the Philippines. Dinisturb nila si Ka-Eric. So, ginawa natin nag-file din tayo ng danyos against Atom and against Carol Araullo,’’ ayon kay Atty. Mark Tolentino, abogado ni Ka Eric.

Naniniwala si Tolentino na madi-dismiss ang kaso na isinampa ni Araullo laban kay Celiz at Badoy.

‘‘Ang sabi nila, inaabuso daw ni Ka Eric yung Freedom of Press, Freedom of Expression. Kailangan nilang patunayan iyan. Paano nila mapatunayan ang pang-aabuso? Kailangan bad faith si Ka Eric. Don’t forget in every action good faith is assumed.’’

‘‘Kung hindi nila ma-destroy ‘yung assumption of good faith, posible and I’m very sure na ma-dismiss ang kaso,’’ dagdag ni Atty. Tolentino.

Ayon kay Celiz, direktang kaalaman at personal na karanasan sa CPP-NPA-NDF ang kaniyang mabigat na ebidensiya laban sa mag-ina.

‘‘We are very solid na kapag dumating sa trial, mailalahad namin ang iba pang detalye ng katotohanan tungkol sa involvement ng mag-inang ito na si Atom at Carol Araullo sa CPP-NPA-NDF,’’ ayon kay Jeffrey ‘’Ka Eric’’ Celiz, Dating Kadre.

Bitbit namin ang katotohanan mula sa karanasan, kaalaman, ang personal na pakikibahagi ng CPP-NPA-NDF.

‘‘At hindi iyan puwedeng ibalewala o burahin ‘yung katotohanan na bitbit galing sa aming direktang karanasan at direktang kasaysayan na nagpapatotoo na ang mag-inang ito ay may kasaysayan at patuloy na karanasan na involve sa CPP-NPA-NDF,’’ saad pa ni Ka Eric.

Sa huli, sinabi ni Celiz na walang sinuman o anumang mga kaso ang makakapigil sa kanila na ilahad ang katotohanan upang mulatin ang kamalayan ng taumbayan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter