NASAGIP ng Philippine National Police (PNP) ang isang babaeng Chinese kidnap victim sa Batangas City.
Ayon kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. 20 araw na hawak ng mga kidnapper ang biktima na hindi pa pinapangalanan.
Huli itong nakita noong gabi ng Setyembre 16 sa isang club sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga kasama ang kanyang kaibigan pero nakita silang umalis sa lugar at pumunta sa hindi natukoy na lokasyon.
Pagsapit ng Setyembre 18, isang unknown caller ang tumawag sa nobyo ng biktima at humingi ng 2 milyong dollar o 116 milyong piso.
Nagpadala rin ito ng video habang hinahampas ng baseball bat ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad nagpasaklolo ang nobyo ng biktima sa mga pulis na nagkasa ng operasyon at nailigtas ang 28 taong gulang na biktima.
Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng ilan sa mga suspek na pakay sa follow-up operations.