PINASINAYAAN ng National Irrigation Administration (NIA) ang isang kalsada na tiyak na makatutulong sa mga magsasaka at residente sa isang barangay sa Bagac, Bataan.
Mula sa maputik at lubak-lubak na daan ay magkakaroon na ngayon ng magandang access road ang mga magsasaka at residente ng Brgy. Saysain, Bagac, Bataan.
Pinangunahan mismo ni NIA Administrator Ricardo Visaya ang inagurasyon sa 1.3 km service road project na magkokonekta sa upland community ng Gawad Kalinga at Saysain Farmers Irrigators Association sa main road ng barangay.
Ang naturang P11.2-M na proyekto na may lawak na 4 na metro ay sinimulan gawin noong Setyembre 2021 at natapos noong Disyembre 5, 2021 at pormal na pinasinayaan ngayong Linggo lang.
Naging posible ang proyektong ito sa pamamagitan ng inisyatibo ni Perfecto Quilicot, isang retired colonel na dumulog sa NIA para matugunan ang hiling at hinaing ng mga magsasaka at residente sa lugar.
Ang naturang proyekto ay naipatupd sa ilalim ng Pampanga-Bataan Irrigation Management Office na pinamumunuan ni Engr. Isabelito Bitangcol sa ilalim ng opisina ni Engr. Josephine Salazar ng NIA Regional Office 3 ay tiyak makatutulong na mapabuti ang pamumuhay ng mga magsasaka at residente sa lugar.
Ayon pa kay Saysain Farmers Irrigators Association President Evangeline Rozal, dati ay inaabot sila ng 3 araw hanggang isang linggo bago makarating ang mga ani sa mga tahanan at ngayon ay isang araw na lang.
“Dati, inaabot ng tatlo hanggang isang linggo bago makarating ang mga ani natin sa ating mga tahanan. Ngayon po ay isang araw lamang, nasa ating mga tahanan na ang ating mga aning palay, ” wika ni Evangeline Rozal–President, Saysain Farmers Irrigators Association.
Tiniyak naman ng pamunuan ng NIA at mga benepisyaryo na maghahati sila sa responsibilidad sa pagmimintina ng naturang bagong kalsada.