PINANGUNAHAN ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang pagpapasinaya sa bagong apat na palapag na gusali bilang karagdagang pasilidad sa mga pagamutan sa Southern Tagalog Regional Hospital (STRH) sa Bacoor City.
Tinawag itong Sen. Ramon B. Revilla Sr. Bldg. bilang pagkilala rin sa pangarap ng dating Sen. Revilla Sr. na magkaroon ng magandang pagamutan noong siya ay nabubuhay pa, hindi lang sa mga taga-Bacoor kung hindi sa buong Cavite kaya inilaan nito ang kaniyang sariling lupa na kinatatayuan ng buong (STRH).
Bandang alas-4 ng hapon ay ganap nang ginupit ni Sen. Revilla ang ribbon bilang hudyat na bukas na ang naturang gusali na dinaluhan mismo ni Department of Health (DOH) acting Secretary Dr. Maria Rosario Vergerie.
Dumalo rin si Cavite 2nd District Representative Lani Mercado-Revilla, Bacoor City Mayor Strike Revilla at Cavite Governor Jonvic Remulla at iba pang tagasuporta na hindi pinalampas ang pagpapasinaya ng naturang gusali na malaking karagdagan para sa patuloy na pag-unlad pa ng STRH.
Magiging maayos na ang Admitting Section, Medical Records, Malasakit Center at PhilHealth, bukod pa sa pharmacy at laboratory na lubhang kailangang upang hindi na lumayo pa ang mga pasyente.
Sa maikling pananalita ni Sen. Revilla ay binanggit nitong matagal nang pangarap ng kaniyang ama na magkaroon ng maayos na pagamutan sa Cavite kaya lamang ay wala umanong lugar kaya pinayagan niyang sa sarili niyang lupa na lamang ito itayo.
“Tiyak na tuwang-tuwa ang Daddy, saan man siya naroon dahil hindi nasayang ang donasyon niyang lupa at patuloy pa itong lumalago at gumaganda pati ang serbisyo” saad pa ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na hindi umano siya titigil kasama ang iba pang pamilya na mas mapaganda ang STRH hanggang sa mapabilang na ito sa mga mahuhusay at kilalang pagamutan sa bansa.
Bukod sa naunang pondo para maitayo ang STRH, ay sinabi rin ni Revilla na naglaan pa ng karagdagang P60 milyong pondo para sa taong ito dahil sa pagpapatayo ng karagdagang pasilidad at P110 milyon pa para naman sa karagdagang equipment na umabot sa kabuoang P170 milyon.
Kabilang sa mga kukumpletuhin ay ang MRI, Dialysis Machine, C-ARM X-Ray, Ultrasound Machine, Cardiotocogram Machine/Fetal Monitor, Infant Incubators, 2D Echo, Echocardiography Table, Cardia Monitor with Central Monitor System, Anesthesia Machine with Cardiac Monitor and Capnograph, Defibrillators with adult and pediatrics’ paddles, Electrocardiogram Machines, Suction Machines, IV Infusion Pumps, Syringe Pumps at Service/Transport Vehicles.
“Dahil sa mga bagong kagamitan ay mas makapagbibigay ng maayos na serbisyo ang ating mga doktor at nurses, lalo na sa dialysis dahil magkakaroon na ng dialysis center” saad pa ni Revilla.
Sinabi pa ni Revilla na ang grabeng karanasan sa nagdaang pandemya ang nagtulak sa kaniya para mas lalo pang pag-ibayuhin na makumpleto ang STRH at makapagbigay ng mahusay na serbisyo.
Sa huli ay binanggit ni Revilla ang DOH at si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na inaasahang may karagdagang maitutulong para mas lalo pang gumanda ang nabanggit na pagamutan.