KASABAY ng mga batikos sa Ayuda Para sa Kapos ng Kita Program (AKAP) na isiningit lamang ng Kamara sa 2025 National budget, ay isiniwalat naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang aniya’y ‘777 scheme’.
Ayuda ito mula sa gobyerno pero kontrolado umano ni House Speaker Martin Romualdez.
Tuwing sasama aniya kasi ang isang congressman sa sortie ni Romualdez ay makatatanggap ito ng P21M.
P7M mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), P7 million mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at isa pang P7M mula sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP).
“Every time na sumama ka sa sortie ni Speaker [Martin Romualdez] every congressman gets 777. P7-M na AICS or AKAP, 7 million na MAIP and P7-M na TUPAD so that’s about P21-M, maka-apat ka ba namang sorties eh ‘di 21 times 4 that’s P84-M. Ilan ‘yang sumasama? nalaman ng ibang congressman, nagsamahan,” ayon kay Mayor Benjamin Magalong, Baguio City.
Dagdag pa ni Magalong na sa ginagawang sortie ay pinalalabas pa ng mga congressman na sa kanila nanggagaling ang pinamimigay na pera.
“Akala mo na parang pera nila, ipaparamdam nila sa tao na galing sa amin ‘to. Meron ba ‘yan sa iba? Ginagawa ba ‘yan sa iba? Ganyan pa ang mga parinig,” dagdag ni Magalong.
Umano’y ‘777 Scheme’, pork barrel ayon kay Sen. Win Gatchalian
Kaugnay nito ay nagbigay naman ng kaniyang komento si Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay sa umanoy ‘777’ scheme na ibinunyag ni Mayor Magalong.
Ayon kay Gatchalian, hindi puwede o bawal na gawing reward para sa mga kongressman ang anumang programa ng gobyerno.
Ipinunto ni Gatchalian na ang Senado at maging ang Kamara ay dapat walang kinalaman sa alokasyon ng pondo para sa ayuda.
“Well bawal ‘yun. Hindi pwede na ang Kongreso ang nag-a-allocate ng kahit ano mang programa sa kanilang members. Dahil executive na ngayon ang nag-iimplementa ng mga programa na ‘yun. So, hindi pwede, hindi parang reward ‘yan na pagsumama ka sa akin ay may reward ka. Hindi pwede ‘yun. Bawal ‘yun. ‘Yun magiging pork barrel talaga ang tawag dun,” pahayag ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian.