UMABOT na sa halos 150-M doses ng COVID-19 vaccines ang tinanggap ng Pilipinas simula noong Pebrero ngayong taon.
Sa huling tala, nasa kabuuang 149,069,620 COVID-19 vaccine doses ang nai-deliver na sa Pilipinas simula February 2021 at inaasahang madaragdagan pa.
Ito’y dahil sa inaasahan ang pagdating ngayong araw ng nasa kabuuang 1,082,250 doses ng Pfizer vaccines na binili ng pamahalaan.
Ang mga naturang bakuna ay sakay ng Air Hongkong Flight lD 456 na inaasahang lalapag pasado alas 9:00 mamayang gabi sa Terminal-3 ng Ninoy Aquino International Airport.
Sa huling datos, ayon sa National Task Force against COVID-19 sa 40 million doses ng Pfizer-Biontech vaccines na binili ng national government, 24,779,430 doses dito ay nai-deliver o tinanggap ng Pilipinas.
Una na ring sinabi ni National Task Force against COVID-19 head of Strategic Communications on Current Operations Asec. Wilben Mayor na ang bakung Pfizer ay gagamitin pa sa pediatric sector at booster shots sa mga priority groups.
Gagamitin din ang bakuna sa ikalawang round ng bayanihan, bakunahan’ mula December 15 to 17.