Bilang ng turista na bibisita sa Bacolod City dahil sa Masskara Festival, inaasahang lalagpas sa 200K

Bilang ng turista na bibisita sa Bacolod City dahil sa Masskara Festival, inaasahang lalagpas sa 200K

IPINAGDIRIWANG ng Bacolod City o mas kilala bilang ‘’City of Smile’’ sa lalawigan ng Negros Occidental ang kanilang pinakahabang pista, ang Masskara Festival.

Tampok sa tatlong linggong pista ang iba’t ibang aktibidad na tiyak na kagigiliwan ng mga lokal at mga banyagang turista.

Mula sa mga detalyadong maskara, makukulay na parada, at indak-indak sa kalsada.

Kabilang din sa ibinibida tuwing Masskara Festival ay ang masasarap na lokal na pagkain na tiyak babalik-balikan ng mga turista.

Kabilang ang Lechon Bacolod, kansi, black paella, longganisa na ilan lamang na tampok sa isinagawang MASSKANAMIT Food Exploiration Festival kamakailan.

Dinadarayo rin ng mga turista ang sikat na Merzci Pasalubong Center na dahil sa iba’t ibang delicacies nito tulad ng napoleones, piyaya, at biscocho.

Ang taunang Masskara Festival sa Bacolod ay nilalayong maibahagi sa lahat ang magandang kultura.

Ito na ang ikalawang taon ng pagdiriwang ng Masskara Festival matapos ang matinding restriksiyon ng pandemya bunsod ng COVID-19.

Positibo ang Bacolod City government na mas dadagsa pa ngayong 2023 ang mga turistang bibisita sa festival.

Noong 2022 ay pumalo sa P2.8-B ang nalikom na kita ng Bacolod City government matapos ipagdiwang ang Masskara Festival na malaking bagay sa paglago ng kanilang ekonomiya.

Isang linggo bago ang highlights sa pagdiriwang ng Masskara ay iba’t ibang hotel na sa Bacolod City ang fully booked.

Maging ang Nature’s Village Resort sa labas ng Bacolod City ay fully booked na rin simula pa noong Hunyo.

‘‘It’s a big help for us kasi well it’s an opportunity for our hotel kasi our hotel is a green hotel, we promote sustainability so it’s our opportunity to show the tourists kung ano ‘yung Negros hospitality kung ano ‘yung culture ng Negros through our hotel as well so naging platform din ‘yung fully booked na ‘to,’’ ayon kay Loraine Uytiepo, Manager, Nature’s Village Resort.

Nakatulong din ang pagdiriwang ng Masskara Festival sa paglikha ng trabaho para sa mga Bacoleño.

‘‘Actually ‘yung festival na ito actually malaking tulong po ito to generate more employment, makakatulong po siya sa empleyado sa business at tsaka sa tao,’’ ayon kay Kent Suela, Staff, Nature’s Village Resort.

Matatandaang, nagsimula ang pagdaraos ng Masskara Festival noong 1980 upang maghatid ng ngiti sa mga Negrense matapos ang sunod-sunod na trahedyang hinarap ng lungsod.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter