Bulkang Kanlaon, posibleng itaas sa Alert Level 3—PHIVOLCS

Bulkang Kanlaon, posibleng itaas sa Alert Level 3—PHIVOLCS

HINDI inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad na itaas na sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon sakaling tumindi pa ang volcanic activity nito.

Sira at hindi na mapapakinabangan pa ng mga magsasaka ang mga pananim na gulay sa Brgy. Pula, Canlaon City.

Ito ay matapos mabalot ng abo dulot ng ashfall ang mga pananim dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.

Nakipag-ugnayan na rin ang Department of Agriculture (DA) sa lokal na pamahalaan ng Canlaon sa probinsiya ng Negros Oriental sa posibleng tulong sa sektor.

Pinayuhan ng ahensiya ang mga magsasaka na maaaring ilipat o i-evacuate ang kanilang mga alagang hayop sa mga itinalagang livestock evacuation sites ng DA.

Sa inilabas namang advisory ng Canlaon LGU, araw ng Huwebes, umabot na sa 145 na pamilya o mahigit 400 indibiwal ang nailikas na.

Kabilang sa mga apektadong barangay ay Pula, Masulog, Malaiba, at Lumapao.

Bukod diyan, suspendido na rin ang klase sa lahat ng antas sa La Castellana habang sa La Carlota City naman ay wala na ring pasok sa Brgy. Ara-al, Haguimit, San Miguel, at Yubo na malapit sa bulkan.

Sa ngayon, isinailalim pa rin ng PHIVOLCS ang Bulkang Kanlaon dahil sa patuloy na volcanic activity o pag-aalburoto nito.

Sa loob ng 24 oras, mahigit 11,000 tonelada ng asupre ang ibinuha ng bulkan at 79 volcanic earthquakes.

Sinabi naman ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, hindi nila inaalis ang posibilidad na itaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon.

Ito ay sakaling tumindi pa ang aktibidad nito sa mga susunod na araw.

“Puwede siyang itaas from Alert Level 2 to Alert Level 3 kasi it is always there. We are waiting ‘yung sustain increase ng sulfur dioxide nakikita natin siyang tumataas. ‘Yung sulfur dioxide, 11, 556 tons pero bumababa ‘yung number of earthquakes naging 70 to 79 na lamang. So, tinitingnan kasi natin would be magkaroon ng phreatic eruptions and magkakaroon na ng magma explosions and lava flows ‘yun ang hindi pa natin nakikita for now and ‘yung sustain increase ng volcanic earthquakes natin very o hindi naman ma-sustain kasi bumaba siya. So, ‘yun ang tinitingnan nating parameters bago natin itaas to Alert Level 3,” pahayag ni Dir. Teresito Bacolcol, PHIVOLCS.

Hinihikayat ng PHIVOLCS ang mga residente na naninirahan malapit sa Bulkang Kanlaon na iwasan muna ang pagpunta sa mga lugar na sakop ng 4 kilometers permanent danger zone.

“So, it always cause for concern itong Kanlaon Volcano ang concern natin dito ay magkaroon ng magmatic eruption. The last time na nagkaroon ng magmatic eruption was 1902 pa,” dagdag ni Bacolcol.

Pinapayuhan din ang mga residente na palagiang magsuot ng face mask upang maiwasang malanghap ang asupre mula sa Bulkang Kanlaon na posibleng magdulot ng epekto sa kalusugan ng tao.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble