Zero budget sa OVP, malabo—SP Escudero

Zero budget sa OVP, malabo—SP Escudero

SA gitna ng alitan ng Office of the Vice President (OVP) at House of Representatives (Kamara) ay sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na malabo na magkaroon ng zero budget ang OVP.

Ipinunto ni Escudero na bagamat nasa Kongreso ang “power of the purse” ay sa haba ng kaniyang panunungkulan bilang mambabatas ay ‘di kailanman ito nangyari.

“Suffice it to say that it is possible given that Congress has the “power of the purse” but has never happened to the OVP nor to any agency in recent years to my recollection,” saad ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Sa Senado ay lusot na sa committee level ang panukalang budget ng OVP na nagkakahalaga ng P2.037-B.

Ngunit sa Kamara ay may mga nagsasabi na dapat itong i-defund o ‘di kaya ay gawing zero budget.

Pero ngayong Huwebes ay inerekomenda ng House Committee on Appropriations na gawing P733,198,000 na lamang ang OVP budget para sa susunod na taon.

Nasa 1,293,159,000 ang total ng kanilang tinanggal mula sa orihinal na panukalang budget ng OVP na nakapaloob sa National Expenditure Program.

Kabilang sa binawasan ay ang OVP budget para sa supplies, personnel services, financial assistance, rental expenses, at utility expenses.

Ang nabawas na budget ay inilipat sa DSWD at DOH.

Mga senador, naniniwala na dapat may sapat na budget ang OVP

Kaugnay rito ay naniniwala naman si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na nararapat na magkaroon ng sapat na budget ang OVP para sa susunod na taon.

Sa isang mensahe sinabi ni Pimentel na ang OVP ay dapat bigyan ng “sapat na budget” upang magampanan nito ang kaniyang mandato.

“Give the OVP sufficient budget to carry out the VP’s constitutional role or responsibility to be ready to be the President at any given second,” pahayag ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.

Aniya ang OVP ay dapat magkaroon ng budget para sa mga tauhan, opisina, utilities, aklatan, briefings, mga pulong, pagdalo sa mga conference, at pagbiyahe sa parehong lokal at internasyonal.

Samantala, iginiit naman ni Dela Rosa na kailangan pa rin ng OVP ng budget sa kabila ng pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na ang kaniyang opisina ay makakagawa pa rin ng trabaho kahit na ganap na mawalan ng pondo mula sa Kongreso.

“Pwede, pero mahirap. Saan kukuha ng sweldo ‘yung kanyang mga staff, mga tao sa opisina?” wika ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Gayunpaman, sinabi ng senador na siya ay kumpiyansa na ang nakararami sa kaniyang mga kasamahan ay susuporta sa PHP2.037-bilyong panukalang budget ng OVP para sa 2025 alinsunod sa matagal nang tradisyon ng mga mambabatas na bigyan ng “parliamentary courtesy” ang Office of the President at ang OVP.

“I am sure ‘yung mga kasamahan kong senador will stand by the time-honored tradition na ‘yung top two offices of the government, na bibigyan naman nila ng kaukulang respeto. I’m sure ‘yung mga kasamahan ko dito ay for the preservation of that tradition,” dagdag ni Dela Rosa.

Ang magkaibang bersiyon ng Senado at Kamara sa budget ng ay inaasahan na aayusin sa Bicameral Conference Committee.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble