BINUKSAN na ang Command and Control, Communications, Cybersecurity, Intelligence, Surveillance, Target Acquisition and Reconnaissance (C4ISTAR) EXPO 2023 sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong araw.
Ito ay may temang “The AFP Enhancing its Digital Battlefield: Adapting to the Future of Warfare” na inorganisa ng Communications, Electronics and Information Systems Service, AFP (CEISSAFP).
Ang dalawang araw na aktibidad ay pinangunahan ni AFP vice chief of staff Lieutenant General Arthur Cordura na nagtatampok ng mga lecture at exhibit na magsisilbing pagkakataon na makipag-ugnayan sa mga eksperto at tuklasin ang mga pinakabagong trend, development, at breakthroughs sa cyber domain.
Sa mensahe ni Cordura, nagpasalamat ito sa mga partner mula sa publiko at pribadong sektor sa kanilang suporta upang mapalakas ang kakayahan ng AFP sa seguridad at depensa.
Ayon kay Cordura, mahalaga ang responsableng paggamit ng cyber technologies sa pangangalaga sa pambansang seguridad upang mapanatili ang “competitive role” sa nagbabagong global security environment.