DFA, pinalawig ang visa-free entry para sa mga Chinese

DFA, pinalawig ang visa-free entry para sa mga Chinese

Hindi na kailangang kumuha ng visa ang mga eligible Chinese national na bibisita sa Pilipinas para sa turismo at negosyo. Ito ay matapos palawigin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng isa pang taon ang visa-free entry privilege para sa mga mamamayang Tsino.

Sa statement ng DFA, mananatiling epektibo ang visa-free entry arrangement mula Enero 16, 2027 hanggang Enero 15, 2028.

Sa ilalim nito, maaaring pumasok sa Pilipinas nang walang visa ang mga eligible Chinese national para sa turismo o negosyo at manatili nang hanggang 14 na araw.

Hindi ito maaaring palawigin o i-convert sa anumang uri ng Philippine visa.

Limitado rin sa dalawang international airport ang pagpasok ng mga aabot sa visa-free privilege—ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Metro Manila at Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa Cebu.

Kailangan naman nilang magkaroon ng valid passport nang hindi bababa sa anim na buwan matapos ang nilalayong pananatili sa bansa, confirmed hotel accommodation o booking, at return o onward ticket.

Kinakailangan ding makasunod sa eTravel registration requirements at walang derogatory records sa Bureau of Immigration (BI).

Mananatili namang nasa diskresyon ng BI ang pagpapasya kung papayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhan, matapos ang inspeksiyon, identity verification, at security screening.

Ayon sa DFA, ang pagpapalawig ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na palakasin ang pagdating ng mga dayuhang turista at mamumuhunan sa Pilipinas, habang pinananatili ang mga panuntunan para sa immigration at national security.

Samantala, kailangan pa rin ng angkop na Philippine transit visa ng mga Chinese nationals na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas habang bumibiyahe patungo sa ikatlong bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter