CJ Zalameda sa CA: Resolbahin na ang Ampatuan Massacre appeals

CJ Zalameda sa CA: Resolbahin na ang Ampatuan Massacre appeals

Labimpitong taon nang naghihintay ng ganap na hustisya ang mga pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre.

Ngayong Nobyembre 23, kasabay ng ika-17 anibersaryo ng krimen, mismong si Chief Justice Rodil Zalameda ang nanawagan sa Court of Appeals (CA) na madaliin na ang pagresolba sa mga nakabinbing apela.

Sa kaniyang unang flag ceremony bilang Punong Mahistrado, binigyang-diin ni Zalameda na sapat na ang mahabang panahon ng paghihintay ng mga naulilang pamilya.

“I therefore urge the Court of Appeals to resolve the pending appeals with dispatch, consistent with due process and rights of all parties. Let us ensure that justice is not delayed any further,” pahayag ni Chief Justice Rodil Zalameda, Supreme Court.

Kasunod ng panawagan ng Punong Mahistrado, naghain ng mosyon ang mga kaanak mula sa 19 na pamilya ng mga biktima upang hilinging agad nang resolbahin ang mga apela.

Ayon kay Atty. Gilbert Andres, abogado ng mga biktima, hindi na lamang usapin ng panahon ang kanilang paghihintay.

May ilan na umanong kaanak na pumanaw, habang ang iba ay may malubhang karamdaman at hindi na makadalo upang personal na ipaglaban ang hustisya.

“17 years na rin po silang naghihintay, ‘yong iba po ay namatay na po, ‘yong iba po ay nakalatay na po sa kanilang mga beds po, ‘yong iba po may mga sakit na po kaya hindi po sila namin kasama,” ayon kay Atty. Gilbert Andres, abogado ng pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre.

Kabilang sa mga kaanak na binanggit sa mosyon ang mga naulilang pamilya nina Napoleon Salaysay, Victor Nuñez, Daniel Tiamson, at McDelbert Arriola.

Partikular na ibinahagi ni Atty. Andres ang kalagayan ng anak ni Arriola, na bagong silang pa lamang nang mangyari ang masaker noong 2009.

Ngayon, 17 taong gulang na ang bata—kasingtagal ng paghihintay ng kaniyang pamilya sa ganap na hustisya.

Malugod namang tinanggap ni Atty. Andres ang pahayag ni Zalameda. Umaasa siyang magiging daan ito upang mapabilis ang pagresolba sa mga apela, nang hindi isinasakripisyo ang karapatan ng lahat ng partido at ang due process.

“Malaki po ‘yong impact po nito kaya lubos po naming tinatanggap po ito kasi ang Chief Justice at ang Korte Suprema may supervision po sa lahat po ng korte sa buong bansa. Kaya nawa po ito ay bigyang-dinggin din po ng ating kagalang-galang na Court of Appeals,” dagdag ni Andres.

Isa rin sa patuloy na ipinaglalaban ng mga pamilya ang pagkilala kay photojournalist Reynaldo “Bebot” Momay bilang ika-58 biktima ng masaker.

Ayon kay Atty. Andres, kabilang ang mga tagapagmana ni Momay sa 19 na pamilyang humihiling ng aksiyon mula sa CA. Mahalaga umano ang judicial recognition kay Momay, lalo’t walang bangkay na nailibing ang kaniyang pamilya.

“Ayaw naman po naming pangunahan ano ‘yong ating CA ngunit gusto rin po naming i-emphasize na ang mga biktima may right to truth at right to justice. Alam niyo mas mahirap ‘yong sitwasyon ni Reyna Fe dahil wala pong bangkay, wala po silang pinaglalamayan,” ani Andres.

Nobyembre 23, 2009 nang mangyari ang Ampatuan Massacre sa Maguindanao, kung saan pinaslang ang mga kasapi ng isang political convoy, kabilang ang 32 mamamahayag.

Noong 2019, naglabas ng hatol ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa ilang akusado, ngunit nananatiling may mga apelang kailangang resolbahin sa CA.

Para sa mga naulilang pamilya, ang paglipas ng 17 taon ay hindi dahilan upang tumigil sa paghahanap ng katotohanan at katarungan.

Follow SMNI NEWS in Twitter