BILANG paghahanda sa panahon ng kalamidad, sinimulan na ang “Capability Building on Community-Based Disaster Risk Reduction and Management Meeting at Workshop” sa lalawigan ng Cagayan.
Pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagsasagawa ng capability training sa mga frontline offices ng kapitolyo simula noong Hunyo 16.
Isinagawa ang pagsasanay sa pangunguna ni OIC-PDRRM Officer at Provincial Administrator Darwin Sacramed, kung saan binalikan ng mga kalahok ang naging disaster management practice ng PGC sa mga nagdaang kalamidad sa probinsya.
Sa ginanap na “Capability Building on Community-Based Disaster Risk Reduction and Management Meeting at Workshop” nalaman nila kung ano-ano ang dapat na baguhin sa sistema ng pamahalaang lalawigan sa oras ng kalamidad.
Tinalakay ng grupo ang importansya ng pagbibigay ng malinaw na impormasyon sa gitna ng sakuna mula sa barangay level paakyat sa Municipal o City Disaster Risk Reduction Management Office hanggang sa PDRRMO.
Pinag-aaralan din na maging bahagi ng information sources ang binuong Agkaykaysa Organization sa kada barangay ng probinsya bilang tagapagsalita ng mga residente.
Gayunpaman, ang impormasyon ay daraan pa rin sa empowerment officers ng pope para sa pagberipika ng ilalabas na datos.
Ang aktibidad na ito ay malaking tulong para sa maayos na transisyon ng impormasyon na makakabawas sa takot ng publiko sa gitna ng kalamidad at magbibigay ng mabilis na pagresponde ng mga kinauukulan.