Arestado ang isang barangay kagawad sa Infanta, Quezon matapos makumpiskahan ng apat na hindi lisensiyadong baril at iba pang armas sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isinilbi ng mga operatiba ang search warrant sa Barangay Ingas noong Nobyembre 21, dakong alas-10:21 ng umaga, dahil sa umano’y paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591).
Kabilang sa mga nakumpiska ang isang caliber 5.56 rifle, submachine gun, caliber .30 carbine at caliber 9mm pistol, kasama ang mga suppressor, iba’t ibang magazine, at mga bala.
Kinilala ang suspek bilang isang 51-anyos na lalaki na kasalukuyang nagsisilbing barangay kagawad sa lugar.
Ayon sa CIDG, wala umano itong License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at hindi rin rehistrado sa Firearms and Explosives Office ng PNP ang mga nakumpiskang armas.
