PORMAL nang umupo sa puwesto bilang acting mayor ng Cebu City si Vice Mayor Raymond Garcia kahapon, araw ng Lunes, Mayo 13, 2024.
Ito ay matapos irekomenda ng Office of the Ombudsman ang prevention suspension sa loob ng anim na buwan kay Cebu City Mayor Michael Rama at pitong iba pang empleyado dahil sa hindi umano pagbibigay ng suweldo sa ilang empleyado ng city hall.
Ipinag-uutos ng Department of the Interior and Local Government – Central Visayas kay Garcia na gamitin sa lalong madaling panahon ang mga kapangyarihan at gawain ng local chief executive sa isang acting capacity.
Ibinahagi rin ni Garcia na ang kaniyang unang gagawin ay ang pag-appoint ng city administrator at city assessor dahil kabilang ito sa mga opisyal na nasuspendi. At upang masiguro na matiwasay ang pamamahala sa siyudad.
Samantala, sa kabila ng kinakaharap na suspensiyon, iginiit ni Cebu City Mayor Michael Rama na kaniyang gagamitin ang panahon para makapag rekrut ng mga miyembro para sa PDP at lokal nitong partido na BARUG.
Hindi lang sa mga sitio o barangay ng siyudad kundi kasali na rin ang buong Cebu at Visayas dahil siya rin naman ang bise presidente sa Visayas sa Partido ng Demokratiko Pilipino (PDP).
Sa ngayon, apat na mga senador ang nasa ilalim ng naturang partido, sila ay sina Senador Robinhood “Robin” Padilla, Francis “Tol” Tolentino, Christopher Lawrence “Bong” Go at Ronald “Bato” dela Rosa.
Habang 28 kongresista, 18 gobernador, 27 na bise gobernador, 206 na provincial board members, daang mga mayor at bise mayor, libu-libong mga konsehales sa bayan at mga syudad.
Ang PDP ay isang malaking partido political sa Pilipinas na kinabibilangan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na ang layunin ay gumawa ng pagbabago sa bansa para sambayanang Pilipino.